PatrolPH

Ilang commuter nabulaga sa pagtigil ng libreng sakay sa EDSA Bus Carousel

ABS-CBN News

Posted at Jul 01 2021 02:19 PM | Updated as of Jul 01 2021 09:29 PM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA - Nabulaga ang ilang commuter sa pagtigil ng libreng sakay sa EDSA Bus Carousel ngayong Huwebes.

Kailangan nang magbayad ng mga sasakay ng bus sa EDSA Carousel simula ngayong Hulyo 1 matapos mapaso ang service contracting program ng Department of Transportation sa ilalim ng Bayanihan 2. 

Ibig sabihin, kailangang magbayad ng P13 hanggang P61 na one-way ticket ang mga sasakay dito, depende sa layo ng biyahe. Aabot naman sa P120 ang kailangang bayaran kung balikan. 

Kabilang sa mga apektado si Ryan Abolencia, na nawalan ng trabaho dahil sa pandemya. 

"Sayang yung libre. Ngayon, may bayad na. Wala naman trabaho, mag-apply pa ulit,” ani Abolencia. 

Marami sa mga pasahero ay minimum wage earner at malaking tulong sana ang libreng sakay, anila.

Dahil hindi in-extend ang Bayanihan 2, ibabalik na sa National Treasury ang mahigit P3 bilyong pondo ng DOTr na hindi nagamit.

Ang Bayanihan 2 ang nagbigay-daan sa service contracting program ng DOTr na nagbigay-daan sa libreng sakay. 

Gayunman, nanatiling mahaba pa rin ang pila kahit may singil na. Ayon sa ilang commuter gaya ni Efren Sahod, wala naman na sila magagawa sa ngayon. 

"Okay lang. Nung nakaraan naman yung libre. Medyo nakatulong nang konti sa amin. Nakabawas-bawas din. Ganyan talaga, hindi naman pwedeng laging libre," ani Sahod. 

Nauna nang nangako ang DOTr at Land Transportation Franchising and Regulatory Board na naghahanap sila ng pondo para maipagpatuloy ang programa. 

— Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.