Ospital sa Antique naka-lockdown matapos magpositibo sa COVID-19 ang doktor

ABS-CBN News

Posted at Jul 01 2020 12:15 AM

Pansamantalang isinara ang Barbaza District Hospital sa bayan ng Barbaza, Antique, Martes ng hapon matapos magpositibo sa COVID-19 ang isang doktor.

Ayon kay Antique Gov. Rhodora Cadiao, Hunyo 22 nang nakadama ng pananakit ng lalamunan ang nasabing doktor kaya agad siyang kinunan ng swab sample.
 
Nilinaw ni Cadiao na nasa mabuting kondisyon ang doktor, pero nananatili ito sa isolation facility. 

Agad na nagsagawa ng contact tracing ang municipal health workers sa mga nakahalubilo ng doktor, ayon kay Cadiao.

"Ang mga staff ng hospital naka-quarantine lahat. No patients na muna ang tatanggapin," aniya.

Ayon sa gobernador, tinatayang nasa 70 na mga health care worker ng ospital ang isasailalim sa swab test.

Samantala, nakatanggap naman ng impormasyon si Cadiao na isa pa sa positive case sa probinsiya na taga bayan ng Culasi, Antique ang nakararanas ng diskriminasyon.

"Huwag nating i-discriminate. Umiiral kasi ngayon 'yung fear, 'yung panic. We want to assure all our constituents that everything is under control. Please trust and have faith on the management of COVID in our province," aniya.

Ayon kay Cadiao, walang local transmission sa probinsiya. 

Sa 16 na positive cases sa Antique, 14 na ang nakarekober habang 2 ang active cases. -- Ulat ni Cherry Palma, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.