PatrolPH

Lolo patay sa sunog sa Las Piñas

ABS-CBN News

Posted at Jul 01 2020 02:11 PM

MAYNILA — Patay ang isang 60 taong gulang na lalaki sa sunog na tumama sa residential area sa Las Piñas noong umaga ng Miyerkoles.

Kinilala ng Las Piñas Fire Station ang bitkima bilang si Fernando Manalo, na na-trap umano sa loob ng kaniyang bahay nang mangyari ang sunog sa Barangay Pulang Lupa Uno.

Bandang alas-6 ng umaga nang sumiklab ang sunog, na umabot sa unang alarma at tumagal nang nasa 30 minuto.

Sa imbestigasyon, pinaniniwalaang nagsimula ang sunog sa nakasinding katol na dumikit sa kutson ng biktima.

Tingin ng mga awtoridad ay natutulog si Manalo nang mangyari ang sunog.

Sinubukan ng mga awtoridad na sagipin si Manalo pero bigo ang mga ito dahil naka-lock ang pinto ng bahay.

Ilang katabing bahay ang nadamay sa sunog.

Tinatayang umabot sa P70,000 ang halaga ng pinsala sa insidente.

-- Ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.