Landslide tumama sa Digos City matapos ang malakas na ulan

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Jul 01 2020 04:19 AM

Isang kotse ang natangay ng landslide sa Barangay Kapatagan, Digos City sa Davao del Sur. Kuha ni Ivan Pasaporte

DIGOS CITY- Hindi muna madadaanan ng mga sasakyan ang kalsada papuntang Barangay Kapatagan sa Digos City matapos matabunan ang kalsada ng landslide na may kasamang putik Martes ng hapon.

Hanggang Barangay Binaton na lang muna ang mga sasakyan dahil napuno na sa makapal na putik, lupa, at kahoy na nakaharang.

Nalungkot ang mga residente dahil apektado ang kanilang hanapbuhay sa Kapatagan.

Ayon sa chairman ng Kapatagan na si Juanito Morales, nangyari ang landslide at mudslide dahil sa sunud-sunod na ulan sa kanilang lugar simula pa noong Sabado at Linggo.

Natapos na sana ang kanilang ginawang clearing operations kanina nang biglang gumuho ang malaking bahagi ng bundok na may nakapondong tubig sa ibabaw kaya lumambot ang lupa at gumuho ito at rumagasa ang putik.

Nadamay pa ang pick-up na sasakyan ng isang kagawad matapos matangay sa rumagasang makapal na putik, at suwerte na walang taong sakay sa pick-up.

Sa ngayon, sa bayan ng Bansalan na lang muna dadaan ang mga nais pumunta sa Kapatagan, na isa sa mga supplier ng gulay sa Davao Region.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.