PatrolPH

'Itapon na lang': Ilang manonood galit sa cease and desist vs TVplus, SKYdirect

ABS-CBN News

Posted at Jul 01 2020 07:11 PM | Updated as of Jul 01 2020 08:23 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Nanggagalaiti si Bebian Baranda sa pagkawala ng signal ng mga pinapanood niyang mga palabas sa ABS-CBN TVplus, kasunod ng paghain ng cease and desist order ng National Telecommunications Commission para ipatigil ang pagpapalabas ng ilang channels nito sa Metro Manila. 

Aniya, ito na nga lang daw ang kaunting kasiyahan sa maliit niyang tahanan, tinanggal pa umano ito. 

"Kung sino man ang in charge ibalik niyo na yan, bakit ba kayo galit na galit sa ABS-CBN e walang namang pinatay yan, madami pa nga natutulungan," ani Baranda. 

Ang 87 anyos na si Pelegrina Del Rosario, sinubaybayan ang "Ang Probinsiyano" sa Cinemo, isa sa mga channel na ipinatigil-ere, pero kahit anong hanap nila ng kaniyang manugang na si Arturo Calimeo ay bigo pa silang mapanood ang teleserye. 

"Malungkot po kami kasi wala na kaming panonoorin, sana ibalik po para mapapanood pa rin ako," ani Del Rosario. 

"Dapat talagang ibalik kasi sila ang pinakamagandang magbalita di lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo kasi may TFC yan di ba?" ani Calmeo. 

Balita naman ang binabantayan ni Francisco Gacutan sa TVplus. 

"Papaano ho yan e saan ako manonood ng TV Patrol?, yun pa naman pinapanood ko, saan ko na mapapanood," ani Gacutan. 

Sa TVPlus din nanonood ang ilang mga tricycle driver habang naghihintay ng pasahero. 

"Malaking bagay po yan kasi yan pinapanood dito habang nakapila para sa mga balita sa buong Pilipinas," ayon sa tsuper na si Bien Sison. 

Maalalaang naglabas ng panibagong cease and desist order ang National Telecommunications Commission (NTC) nitong Martes sa ABS-CBN at isa pa laban naman sa SKYdirect. Kabilang sa order ang pagpapatigil sa palabas ng Cinemo, YeY, TeleRadyo, at KBO sa TVplus sa Metro Manila.

Matatandaang ding pinag-initan sa Kamara ang patuloy na pagsasahimpapawid ng mga palabas ng ABS-CBN sa TVplus at sa SKYdirect.

Nalungkot naman ang ilang subscriber ng SKYdirect gaya ni John Paul Litao sa pagkawala ng signal ngayong ito lang aniya ang inaasahan ng pamilya para sa entertainment at balita. 

"Mahirap po sa balita di na kami updated, kung mag-i-internet naman sa cellphone, di sigurado kung totoo baka naman fake news," ani Litao. 

Watch more on iWantTFC

Ang ilang manonood sa Tondo, gustong itapon ang TVplus sa dismaya sa tigil-ere, gaya ni Tirso Alipto.

“Itapon ko na lang yang TVplus ko. Wala nang silbi ayan o, wala kang makita. Ayaw ko namang manuod sa iba. Talagang ABS kami,” ani Alipto. 

Pero ang isang nakadungaw sa isang karinderya sa lugar, umaasang mababalik pa ito. 

"Bakit naman itatapon, eh kung makabalik, papano? Stock na muna yan habang wala pa," aniya. 

Umaasa rin ang ilang mga residente na makabalik sa ere ang Channel 2. Iyon lang kasi ang abot-kaya nila sa ngayon. 

Humingi naman ng pang-unawa ang ABS-CBN sa pagkawala ng programa sa TVplus at SKYdirect.

"Salamat po sa patuloy na suporta at pagmamahal sa ABS-CBN. Umasa po kayo na talagang ipaglalaban namin ang makapagserbisyo kami sa inyong lahat sa bawat pilipino sa buong mundo, tulungan nyo po kami," ani Laurenti Dyogi, TV Production head ng network. 

-- Ulat nina Alvin Elchico at Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.