Imbestigasyon sa banggaan ng HK cargo ship, Pinoy fishing vessel patuloy pa rin

April Rose Magpantay, ABS-CBN News

Posted at Jul 01 2020 03:36 AM | Updated as of Jul 01 2020 08:37 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagsagawa ng inspeksyon ang Philippine Coast Guard sa MV Vienna Wood N, isang Hong Kong-registered cargo ship, na nakabanggaan ng isang fishing vessel noong huling linggo sa dagat na sakop ng Occidental Mindoro.

Ayon kay Lt. Cmdr. Anthony Cuevas, chief of staff ng Coast Guard District Southern Tagalog, nagkaroon ng butas sa harapang bahagi ng MV Vienna Wood dahil sa banggaan.

"Yung barko may tama siya. Upon inspection pumapasok yung seawater doon sa hold sa harapan. As much as possible, pine-preserve muna natin 'yung area para nga makita natin anong tama, anong naging damage," aniya.

Ininspeksyon ng Philippine Coast Guard ang MV Vienna Wood N, na mula Hong Kong, matapos ito bumangga sa isang fishing vessel na puno ng mga Pilipinong mangingisda sa dagat malapit sa Occidental Mindoro. Kuha ng PCG Southern Tagalog

Samantala, wala pa ring lead ang PCG sa kinaroroonan ng 14 na mangingisdang Pilipino na nakasakay sa fishing vessel.

"We are hoping na narescue sila ng mga fishing boat doon sa area. But unfortunately, medyo liblib kasi itong part ng Mamburao area baka nandun sila, hindi sila makacontact," ani Cuevas.

Ang Mamburao ay ang bayan kung saan malapit nangyari ang naturang banggaan.

Tuloy-tuloy pa rin ang search and rescue operations sa mga nawawalang Pinoy.

Sa ngayon ay nag-uusap na raw ang dalawang panig ang Irma Fishing and Trading Co at ang mga kawani ng Hong Kong vessel.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.