PatrolPH

Higit 63K OFWs na-repatriate sa gitna ng COVID-19 pandemic

Michael Joe Delizo, ABS-CBN News

Posted at Jul 01 2020 02:56 PM | Updated as of Jul 01 2020 03:25 PM

MAYNILA — Higit 63,000 manggagawang Pinoy sa ibang bansa ang naiuwi na sa bansa sa gitna ng pandemya dulot ng coronavirus disease (COVID-19), sabi ngayong Martes ng Department of Foreign Affairs.

As of June 29, 63,633 overseas Filipino workers na ang na-repatriate, kung saan karamihan ay land-based workers at seafarers, ani Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. sa isang media forum.

Tiniyak ni Locsin na kapag nakarating ng bansa, sinusunod ng mga umuwing Pinoy ang 14 na araw na quarantine period at dumadaan din sila sa COVID-19 test.

Ayon pa kay Locsin, tuloy-tuloy ang pag-aasikaso sa mga Pinoy sa ibang bansa, kasama ang mga undocumented worker na gusto nang makauwi.

May limitasyon lang kung ilang repatriate ang maiuuwi kada linggo dahil limitado rin ang quarantine facilities para sa kanila, ani Locsin.

Tinatrabaho na rin ng gobyerno ang pagpapauwi sa labi ng mga Pinoy na namatay sa Saudi Arabia. Posible umanong ma-extend ang itinalagang July 4 na deadline.

Sinabi rin ni Foreign Affairs Undersecretary Dodo Dulay na iuuwi rin ang labi ng mga Pinoy na namatay sa COVID-19.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.