Critically endangered: Mag-inang pangolin natagpuan sa Puerto Princesa

ABS-CBN News

Posted at Jul 01 2020 01:10 PM

 

MAYNILA - Natagpuan kamakailan ang mag-inang pangolin- isang uri ng critically endangered mammal- sa Puerto Princesa City, Palawan, ayon sa mga awtoridad.

Ayon sa Palawan Council for Sustainable Development (PCSD), nakita ng residenteng si Antonio Cuino at kaniyang ama ang 2 pangolin bandang 6 ng umaga noong Hunyo 28 sa kanilang maisan sa Barangay Luzviminda sa siyudad. 

Unang beses umano nila makakita ng pangolin mula nang unang nanirahan sa lugar noong 2004.

Maayos ang kalagayan ng mga ito at kanilang ni-rescue dahil baka umano ito pagdiskitahan ng iba at patayin para kainin o kunin ang kaliskis nito para ibenta o gamitin bilang gamot. 

Ayon sa PCSD, naawa si Cuino sa mga hayop dahil mukha itong "vulnerable" at hindi rin niya alam kung ano ang dapat kainin ng mga ito. Alam din umano ni Cuino ang kaparusahan sa paglabag sa batas sa wildlife resources protection and conversation sa Palawan. 

Ayon sa PCSD, ang inang pangolin ay may habang 111 cm, lapad na 16 cm at bigat na 4 kg habang ang anak naman nito ay may haba na 29.5 cm, lapad na 4.5 cm at bigat na 3 grams.

Ang Palawan Pangolin (Manis culionensis) ay nakalista bilang isang critically endangered na hayop sa International Union for Conservation of Nature, ang pandaigdigang awtoridad sa estado ng kalikasan at kung paano ito protektahan. 

Critically endangered din ang hayop na ito sa ilalim ng resolusyon ng PCSD. 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.