PatrolPH

BFAR nilinaw na walang outbreak ng sakit sa mga tilapia, hipon

Elaine Fulgencio, ABS-CBN News

Posted at Jul 01 2020 04:59 PM

BINMALEY, Pangasinan — Ramdam ng tinderang si Kisha Bautista ang tumal ng kaniyang benta ng tilapia, hipon, at iba pang seafood sa talipapa sa bayan na ito kaya pinipili lang niya ang mga ibebenta para hindi matira at mabilasa. 

Pero hindi raw ito epekto ng kamakailan ay napabalitaang pagkamatay ng tilapia at hipon sa Taal lake at Laguna de Bay sa Calabarzon. 

"Ngayon po siguro matumal kasi 'yung tao, bihira po bumibiyahe," aniya.

Kamakailan ay naglabas ng advisory ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) kung saan sinabi ng kanilang pag-aaral na ang pagkamatay ng mga isda sa Taal lake at Laguna de Bay ay bunsod ng pagbaba ng oxygen sa tubig kasunod ng pagbabago sa lagay ng panahon.

Giit pa ng BFAR, walang outbreak ng sakit at ligtas kainin ang mga huling tilapia at hipon sa Ilocos region. 

"Iyung agos ng tubig walang mechanical way ng production ng oxygen, doon kinakapos ng hininga ng oxygen 'yung ating mga alagang isda," ani Westly Rosario, hepe ng BFAR-National Integrated Fisheries Technology Development Center. 

May paalala naman ang BFAR sa mga may palaisdaan para maiwasan ang mga sakit gaya ng white spot syndrome, acute hepatopancreatic necrosis disease, at tilapia lake virus.

Dapat aniya nasusunod ang biosecurity measures gaya ng regular na paglilinis at pagpapalit ng tubig. 

Iwasan din ang overstocking para hindi kapusin sa dissolved oxygen level sa palaisdaan. 

Nilinaw din ng BFAR na hindi nakakaapekto sa tao ang mga nasabing sakit ng hipon at tilapia.

"Malayo ang transfer sa tao kasi cold blooded sila and 'yung sakit nila hindi puwedeng ma-transfer sa tao kasi tayo ay warm blooded," sabi ni Rosario.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.