Bar na ni-raid sa paglabag sa physical distancing sa Makati, ipinasara

ABS-CBN News

Posted at Jul 01 2020 04:35 PM | Updated as of Jul 01 2020 08:21 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Ipinasara na ng licensing and Permits Bureau ang Skye Bar sa Barangay Bel Air na lumabag umano sa physical distancing protocols nang matuklasang walang umano'y business permit ang establisimyento. 

“Napag-alaman namin na walang business permit.. so nagkaroon ng order na ipasara na,” ani Makati Police Chief, PCOL Oscar Jacildo, 

Ayon kay Julio Bucoy, abogado ng bar, iaapela nila ang pag-alis ng closure order at sisikaping sundan ang mga protocols sakaling payagang magbukas muli. 

"Assuming that the restaurant is able to open again, hopefully we will be able to coordinate more with local authorities to avoid another situation like this from happening again," ani Bucoy. 

Maaalalang naaresto ang mga dumalo sa bar na umano’y patago pang nag-ooperate kahit mahigpit na ipinagbabawal sa ilalim ng GCQ, hapon nang linggo. 

Ikinasa ang operasyon nang makatanggap ng ulat mula sa mga awtoridad na nagdaos ng mga pagtitipon nang hindi nasusunod umano ang physical distancing. 

Kinabibilangan ng mga Pilipino at banyagang kostumer ang naaresto umano na nadatnan ng pulis na walang suot na face mask. 

Dalawang araw dinetine sa isang basketball court ang mga nahuli at hapon ng Martes silang ipinalabas matapos maglabas ng resolusyon ang Makati police tungkol sa kanilang kaso. 

Ibinasura ang mga kasong resistance or disobedience to persons in authority at paglabag sa Makati ordinance patungkol sa physical distancing ang mga naaresto dahil sa kakulangan ng ebidensiya. 

Pero tuloy pa rin ang kasong paglabag sa Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act sa mga suspek. 

Samantala, plano ng mga suspek na sampahan ng kasong administratibo at paglabag sa karapatan ng inaresto laban sa pulis ang ilan sa mga kostumer dahil hindi umano sila sinabihan kung bakit sila hinuli, ayon kay Atty. Fudge Tajar, abogado ng mga naaresto. 

"Gusto ng mga clients na ma-realize ng mga pulis na hindi nila pwedeng ulit-ulitin 'to. Kasi sila nga, na somehow hindi naman naghihirap, or nakakaangat sa buhay, kaya nilang gawin ito na basic na protocol ng pag-aresto sa mga inaaresto nila, hindi nila nagagawa. Pero pa'no pa yung mga hindi kayang i-represent ng mga abogado na mga mahihirap na inaaresto na lang basta-basta," ani Tajar. 

Pero iginiit rin ni Jacildo, na binasahan nila ng mga karapatan o Miranda rights ang mga hinuli.

"Sa gitna ng kaguluhan kahit magbasa ka ng paglabag o sasabihing karapatan ng taong inaaresto mo, hindi na niya maririnig dahil sa dami," ani Jacildo. 

Sa susunod na Martes isasagawa ang preliminary investigation ng kaso at umaasa ang kampo ng mahigit 100 inaresto na tuluyang mababasura ito.  -- Ulat nina Jerome Lantin at Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.