PatrolPH

Balik-pasada ba? PISTON wala pa ring natatanggap na abiso mula LTFRB

ABS-CBN News

Posted at Jul 01 2020 04:13 PM | Updated as of Jul 01 2020 06:00 PM


MAYNILA — Hanggang ngayon ay naghihintay pa rin ang mga jeepney driver ng guidelines mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kung makapapasada ba sila sa Huwebes o Biyernes gaya nang naunang abiso ng pamahalaan. 

Sabi sa Teleradyo ni Mody Floranda, national president ng transport group na PISTON, hanggang ngayon ay hindi pa rin sila nakatatanggap ng guidelines.

"Handang-handa na po ang mga driver at mga operator na muling magserbisyo. Ang hindi po handa 'yung gobyerno at 'yung LTFRB kasi sila po 'yung pabago-bago eh," ani Floranda. 

Hanggang ngayon din aniya ay hindi pa rin nila alam ang kanilang ruta.

"Kung matatandaan po natin, 'yung unang announcement nila ay June 15, at pangalawa, ginawa ay June 22. Ngayon po ay July 1 na, wala pa silang maayos na desisyon para sa sektor ng transportasyon," hinaing ni Floranda.

Masama pa rin daw ang loob ng mga driver at operator na bigla na lang ibinigay ng LTFRB ang kanilang orihinal na ruta sa mga modernized jeep nang wala man lang public hearing o konsultasyon.

Tiniyak naman ni Floranda na nasa maayos na kondisyon at roadworthy ang kanilang mga jeep. Nakahanda rin silang sumunod sa health protocols sa gitna ng pandemyang COVID-19. 

Natigil ang pagpasada ng mga lumang jeep noong Marso matapos mahinto ang pampublikong transportasyon bunsod ng lockdown, na ipinatupad para makontrol ang pagkalat ng coronavirus disease sa bansa.

Mula nang magluwag ang quarantine restrictions, inunti-unti ng gobyerno ang pagbabalik-operasyon ng mga pampublikong sasakyan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.