PatrolPH

3 sundalong napatay ng pulisya sa Sulu nakaburol sa Libingan ng mga Bayani

Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Posted at Jul 01 2020 03:10 PM

MAYNILA — Ibinurol na sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig ang labi ng 3 sa 4 na sundalong napatay ng mga pulis sa Jolo, Sulu.

Kasama sa mga nakaburol ang mga labi nina Philippine Army Maj. Indammog, Capt. Irwin Managuelod, at Sgt. Jaime Velasco.

Sa Sulu naman nauna nang nailibing ang labi ni Cpl. Abdal Asula. 

Napatay noong Lunes ang 4 na sundalo matapos umanong makaengkuwentro ang ilang pulis sa bayan ng Jolo, Sulu.

Ikinagalit ng Philippine Army ang insidente, at ayon kay Commanding General Lt. Gen. Gilbert Gapay, isang "murder" at "rubout" ang nangyari. Ayon naman sa pulisya, isa itong "misencounter."

Dumalaw nitong Miyerkoles sa burol ng 3 sundalo si Vice President Leni Robredo at naghatid ng pakikiramay sa mga naulila.

Sa lamay ni Velasco, naroon ang kaniyang misis, 3 anak na pawang mga babae, ama na isang retiradong sundalo, at kapatid na sundalo rin.

Nakatakdang iuwi ang labi ng 3 sundalo sa kani-kanilang mga probinsya bago ilibing sa Libingan ng mga Bayani.

Sa police report, sinita umano ng mga pulis sa checkpoint ang SUV na sinasakyan ng mga sundalo, na noo'y may hinahanap na 2 suspected suicide bomber mula sa Abu Sayyaf group. 

Inimbitahan umano ang 4 na sundalo sa Jolo Municipal Police Station para sa beripikasyon subalit humarurot paalis ang mga ito at kalaunan ay bumunot ng baril kaya pinaputukan ng mga pulis.

Pinabulaanan naman ng Army ang ulat ng pulisya at sinabing sumunod ang mga sundalo nang patigilin at bigla na lamang pinagbabaril.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.