Trak tumagilid; 2 patay, 30 sugatan sa Cotabato

Arianne Apatan, ABS-CBN News

Posted at Jul 01 2019 11:20 PM

PIKIT, Cotabato - Dalawa ang patay habang 30 iba pa ang sugatan sa pagtagilid ng isang trak sa Barangay Nalapaan, Pikit, Cotabato nitong Lunes ng umaga.

Kinilala ang mga nasawi na sina Akraman Aluyudan at Huyaan Mamir, mga magsasaka na residente ng Alamada, Cotabato.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, mago-overtake sana ang trak sa isang motoriklo pero umatras ito nang makitang may kasalubong na isa pang motorsiklo.

Nang pabalik na ito sa kaniyang lane, nawalan na ng kontrol sa sasakyan ang drayber nitong si Esmael Tambug at dito na aksidenteng tumagilid sa kalsada ang trak.

Dagdag pa ng pulisya, nag-overload umano ang trak at maaari ring mabilis ang pagpapatakbo ng drayber.

Depensa naman ni Tambug, hindi siya ang nag-overtake at iniwasan lamang ang motorsiklo na napunta sa kaniyang lane.

Tumilapon ang mga sakay ng trak na naging dahilan ng pagkamatay ng dalawa sa mga pasahero nito.

Dinala naman sa ospital ang iba pang pasaherong nasugatan sa aksidente.

Pawang mga magsasakang mula sa Alamada at Banisilan ang sakay ng trak na papunta sana sa Kidapawan City para sa isang seminar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.