Suplay di pa normal kahit tubig sa Angat nadagdagan

ABS-CBN News

Posted at Jul 01 2019 07:29 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Hindi muna ibabalik sa normal ang alokasyon ng tubig sa Maynilad at Manila Water kahit tumaas na ang antas ng tubig sa Angat Dam, ayon sa pinuno ng National Water Resources Board (NWRB).

Kailangan kasing maging stable at consistent muna ang pagtaas ng tubig bago ibalik sa normal na 46 cubic meters per second ang alokasyon mula sa kasalukuyang 36 cubic meters per second, ayon kay NWRB Executive Director Sevillo David.

"Unang-una, titingnan natin gaano kataas ang rate of improvement niya and then gaano katagal iyan," ani David.

Bunsod nito, asahan pa rin umano ang water service interruption (mahinang water pressure o tuluyang kawalan ng tubig).

Umakyat nitong ala-1 ng hapon ng Lunes sa 159.91 metro ang antas ng tubig sa Angat Dam, malapit sa 160 metrong normal operating level para sa domestic supply.

Subalit kulang pa ang antas para sa 180 metrong operating level para sa parehong domestic at irrigation supply. 

Ayon naman sa state weather bureau na PAGASA, posibleng maging sapat ang ibubuhos na ulan ng mga paparating na bagyo.

"Sinasabi na 2 to 3 bagyo ay sana maramdaman natin o tumama dito sa watershed," ani PAGASA hydrologist Elmer Caringal.

Samantala, pinatawan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ng multa ang Maynilad na P2,500 sa pamamagitan ng rebate kada bahay sa isang barangay sa Las Piñas.

Bunsod ito ng pagkawala ng tubig nang higit 20 araw noong Mayo.

"Maynilad has a service obligation which is to provide 24/7 water. If they are unable to do that for 15 days or more... they can be penalized," ani MWSS Chief Regulator Patrick Ty.

Sinabi ng Maynilad na nakikipag-ugnayan na sila sa MWSS kung paano na-computer ang penalty.

Nagbabala rin ang MWSS sa mga water concessionaire na kapag patuloy na hindi nasunod ang mga water service interruption schedule ay posibleng patawan ang mga ito ng panibagong multa.

-- Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.