PatrolPH

Iisang uri ng bomba ginamit sa pagpapasabog sa Jolo at Indanan, Sulu

Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Posted at Jul 01 2019 11:08 AM

MAYNILA - Magkapareho ang uri ng improvised explosive device (IED) na ginamit sa pagapapasabog malapit sa kampo ng militar sa Indanan, Sulu noong Biyernes at Jolo Cathedral noong Enero. 

Ayon kay Major Gen. Cirilito Sobejana, commander ng Western Mindanao Command, walang pinagkaiba ang istilo ng magkakambal na pagsabog sa Jolo Cathedral sa magkakambal na pagsabog sa Indanan. 

Cellphone din ang ginamit na pang-detonate sa IED.

Inaalam pa ng militar at pulisya kung totoong suicide bombers ang 2 may bitbit ng bomba. 

Kinukumpirma rin ang kanilang nasyunalidad, dahil ayon kay Sobejana, wala pang Pilipinong naglakas ng loob na pasabugin ang sarili tulad ng ginagawa ng ilang banyagang terrorista.

Walong katao ang nasawi sa pagsabog sa bayan Indanan, kabilang dito ang 3 sundalo, ang 2 may bitbit ng bomba, at 3 sibilyan. 

Sugatan naman ang 22 iba pa, kabilang ang 12 sundalo at 10 sibilyan. 

Inako ng Islamic State ang pagpapasabog, ngunit hindi naniniwala rito ang AFP at PNP.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.