China ayaw ng third party sa pagbusisi sa Recto Bank incident: Panelo

ABS-CBN News

Posted at Jul 01 2019 05:26 PM | Updated as of Jul 01 2019 07:55 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tumanggi ang China na magkaroon ng independent party na bubusisi sa pagbangga ng Chinese vessel sa bangka ng mga mangingisdang Pinoy sa Recto Bank noong Hunyo 9, ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo.

Ipinasa umano ang impormasyon kay Panelo ni Philippine Ambassador to China Chito Sta. Romana matapos nitong makausap ang Foreign minister ng China.

"Una, nag-offer sila ng joint investigation tapos in-accept ni presidente, tapos may third party. Ang sabi naman nila, 'Huwag na 'yong third party, tayo lang mag-usap doon,'" ani Panelo.

Ayon kay Panelo, nagpapatuloy pa rin ang hiwalay na imbestigasyon ng Pilipinas at China hinggil sa nangyari sa Recto Bank.

Sa oras na matapos ang kani-kanilang imbestigasyon, magpapalitan aniya ng findings ang 2 bansa para matukoy ang mga detalye.

Sinabi rin ni Panelo na sakali mang lumitaw na magkaiba ang resulta ng mga imbestigasyon, igigiit aniya ng bansa na magkaroon pa rin ng third party investigator.

Inihayag ni Panelo na naniniwala siyang wala namang hindi malulutas sa pagitan ng 2 bansa.

Bubuo ng task force para sa imbestigasyon at kabilang sa matatalakay ay ang isyu ng pag-abandona sa mga Pilipinong mangingisda matapos ang nangyaring banggaan, ani Panelo.

Nagtitiwala aniya ang Palasyo sa sinabi noon ng China na pananagutin naman nito ang kanilang mamamayan sakaling may makitang mali sa kanilang panig.

--Ulat nina Joyce Balancio at Pia Gutierrez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.