CAFGU, sugatan nang mabaril ng sundalo habang nag-iinuman sa kampo

Mark Salanga, ABS-CBN News

Posted at Jul 01 2019 12:12 AM

Sugatan ang isang miyembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) na nakadestino sa bayan ng Moises Padilla, Negros Occidental, matapos mabaril ng isang sundalo Linggo ng gabi.

Ayon sa pulisya, nangyari ang insidente sa loob mismo ng patrol base ng Delta Company kung saan nag-iinuman ang CAFGU at isang military staff sergeant.

Nagtamo ng tama ng bala sa leeg ang CAFGU at kasalukuyang ginagamot sa isang ospital sa Bacolod City.

Agad namang sumuko ang suspek na kasalukuyang nasa kustodya na ng pulis.

Dagdag pa ng pulisya, may nangyaring hindi pagkakaintindihan sa pagitan ng dalawa at dahil nasa impluwensiya ng alak ay nauwi sa pamamaril ang alitan.

Inihahanda na ang kasong frustrated homicide laban sa sundalo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.