5 patay sa pagsalpok ng jeep sa puno sa Rizal

ABS-CBN News

Posted at Jul 01 2018 07:58 AM | Updated as of Apr 01 2019 12:42 PM

Watch more in iWantTFC

MANILA - Lima ang patay at 9 ang sugatan matapos tumagilid at sumalpok ang isang pamapasaherong jeep sa puno sa gilid ng kalsada sa bayan ng Jalajala, Rizal Sabado ng gabi.

Halos mangalahati sa pagkakayupi ang pamapaserong jeep na biyaheng Bagumbong-Tanay nang madatnan ng mga residente sa gilid ng kalsada sa Sitio Biga, Brgy. Bayugo, Jalajala.

Ayon sa mga imbestigador, pabalik na ang jeep sakay ang mga pasahero mula Tanay nang bigla itong um-overtake sa kasunod na kotse.

“Iniwasan niya itong lubak. Nasobrahan niya sa kabig, di na niya naibalik. Pataas pa man din dito kaya nagdagdag ng speed. ,”sabi ni S/Insp. Amadeo Estrella ng Jalajala PNP.

Ayon sa pulisya, hindi karaniwan ang ganitong aksidente sa lugar kaya tulong-tulong ang mga residente at mga rescue team na rumesponde.

Kinailangang tanggalin ang bubong ng jeep para maalis sa pagkakaipit ang ilang mga pasahero.

Patay ang driver ng jeep na si Francisco Abisamis pati na ang asawa niyang si Grace.

Nasawi rin sa ospital ang mga pasaherong si Winnie Rodriguez at 2 batang anak na sina Karyll at Kiell Aaron.

Inoobserbahan pa rin sa Rizal Provincial Hospital ang kanilang padre de pamilya na si Michael dahil sa matinding tama sa ulo at mga bali sa katawan.

Ayon sa kapatid ni Michael, namalengke lang ang mag-anak sa Tanay.

Isinugod din sa ospital ang 9 pang pasahero ng jeep na sugatan din sa aksidente.

Humihingi ngayon ng tulong ang mga pamilya ng mga biktima para sa pagpapagamot at gastos sa ospital.

- Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.