Ilang scholarship programs ang pwedeng aplayan ng mga Pinoy na gustong mag-aral sa United Kingdom. Malaking karangalan naman para sa mga estudyanteng Pilipino na nabigyan ng scholarship ang makapag-aral at makapagtapos sa mga prestihiyosong pamantasan sa United Kingdom.
OXFORD
Ibinandera ni John Dale Dianala ang watawat ng Pilipinas sa kanyang graduation sa prestihiyosong University of Oxford. Nakapagtapos siya ng Doctor of Philosophy sa larangan ng Earth Sciences.
“It’s my first time living in the UK by myself, and I really enjoyed the atmosphere wherein you have an international group of people in your research as well as in your social life,” sabi ni Dr. John Dale Dianala, iskolar sa UK.
Hangad ni Dr. Dianala na nagtuturo sa UP Diliman na maibahagi ang kanyang kaalaman at karanasan sa mga iskolar ng bayan.
LONDON
Sa ilalim naman ng Chevening Scholarship Programme, kumukuha ngayon ng Master of Law sa Queen Mary University of London ang abogadang si Khristine Jane Ejercito.
Malaking karangalan para sa dating Court Attorney ng Korte Suprema ang pagkakataong makapag-aral ng libre sa UK.
“Dream come true for me kasi, hindi naman lahat nabibigyan ng chance na makapag-aral sa isang First World country. I’ll make sure na yung matutunan ko dito ibabalik ko rin sa Pilipinas to serve our country,” sabi ni Ejercito.
CAMBRIDGE
Sa University of Cambridge naman na premyadong pamantasan sa UK at pangalawa sa buong mundo, base sa pinakahuling QS World University rankings, napili ng licensed chemist at dating UP Manila instructor na si Sarah Sibug-Torres na kumuha ng doctorate in Physics.
“My scholarship is called the Harding Distinguished Post-graduate Scholarship. It’s managed by the Cambridge Trust,” paliwanag ni Sibug-Torres.
EDINBURGH
Doctoral student naman sa Counselling Studies ng University of Edinburgh sa Scotland ang UP Visayas professor na si Moniq Muyargas.
Iskolar siya ngayon ng UP at isa sa iilang mga gurong dalubhasa sa LGBT psychology sa Pilipinas.
“Yung mga key figures na pinag-aaralan mo noon na nasa libro lang are actually alive and actually, you can talk to them, and you actually can engage with them,” sabi ni Prof. Moniq Muyargas, iskolar sa UK.
Bagama’t hamon ang pagiging malayo sa pamilya, hindi naman anila matatawaran ang oportunidad na mapayabong ang karunungan sa mga kilalang unibersidad sa mundo.
“I think many Filipinos get intimidated by the idea of applying to a UK university. But I think you just need to go for it especially since there are more opportunities coming up with scholarships, either from the Philippines or directly from the universities.” sabi ni Dianala, iskolar sa UK.
Payo ng Pinoy scholars sa mga interesadong mag-aral din sa United Kingdom, huwag mag-atubiling mag-apply at direktang mag-email sa mga unibersidad para malaman ang mga inaalok na programa o bisitahin ang kanilang website na chevening.org at britishcouncil.ph.
Para sa mga nagbabagang mga balita tungkol sa ating mga kababayan sa United Kingdom, tumutok sa TFC News sa TV Patrol.