Seguridad sa Pasasalamat Concert sa Mendiola tiniyak

Anna Cerezo, ABS-CBN News

Posted at Jun 30 2022 04:40 PM

MANILA -- Nasa 600 kapulisan ang ikinalat para sa Pasasalamat Concert sa Mendiola sa Maynila ngayong hapon ng Huwebes matapos manumpa ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr.

Bukod sa mismong concert venue, nagtalaga rin ng mga pulis sa mga kalapit na kalsada upang matiyak ang seguridad ng mga dadalo.

Mahigpit ang inspeksyon sa bawat bag ng mga dumarating.

Ayon sa mga otoridad, maaring magdala ng pagkain sa loob pero mahigpit na ipinagbabawal ang alak, matatalim na bagay, at firearms o mga replica, pati na rin flammable objects. 

Pakiusap nila sa mga dadalo, itapon ng sa wastong lugar ang mga pinagkainan at ibang basura.

Hinihikayat din ang mga nais pumunta sa concert na maglakad na lang papunta sa venue. Ilang kalsada kasi ang isinara. 

Para sa mga apektadog motorista, maari sila dumaan sa alternate routes. 

Ang mga sasakyan mula Sta. Mesa via Legarda Street ay maaaring kumanan sa Figueras Street hanggang Earnshaw St., patungo sa kanilang destinasyon.

Ang mga galing naman sa P. Casal Street ay maaring lumiko sa Arlegui St.

Samantala, ang mga motorista mula Quezon Boulevard at C.M Recto ay puwedeng kumaliwa sa N. Reyes Street, o kumanan sa S.H. Loyola.

Wala pang untoward incident na naitatala habang isinusulat ang balitang ito.

Inaabisuhan ang mga dadalo na ingatan mabuti ang kanilang gamit.

Maaring magsumbong ng kanilang reklamo sa command post malapit sa Mendiola Peace Arch o sa mga naka-deploy na pulis sa venue, sabi ng otoridad.

Pinaalaahanan din ang publiko na sundin pa rin ang COVID-19 health protocols gaya ng pagsuot ng face mask.

Nanumpa na bilang ika-17 Pangulo ng Pilipinas si Marcos kaninang tanghali sa National Museum.

KAUGNAY NA VIDEO

Watch more News on iWantTFC