PatrolPH

Ilang tsuper nakukulangan sa dagdag-pasahe sa jeep

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Jun 30 2022 07:45 PM | Updated as of Jun 30 2022 09:58 PM

terminal sa Antipolo ABS-CBN News
Pila ng mga jeep sa terminal sa Antipolo, Rizal noong Hunyo 8, 2022. Mark Demayo, ABS-CBN News

Hindi sapat para sa ibang tsuper ang ipatutupad na dagdag sa minimum na pasahe sa mga pampasaherong jeep.

Simula Biyernes, Hulyo 1, P11 na ang minimum fare sa mga traditional na jeep sa buong bansa habang P13 naman sa mga modernong jeep.

Pero para sa ibang tsuper, masyadong maliit ang umento, lalo't tuloy ang pagsipa ng presyo ng mga bilihin at petrolyo.

"'Yong diesel natin nasa P90 plus tapos pasahero madalang dahil maraming libreng sakay hanggang ngayon... parang wala ring nangyari," anang tsuper na si Sonny Boy Ebanghelio.

Kahit 14 na oras na umanong pumapasada ang ilang jeepney driver, P500 lang ang naiuuwi nilang kita sa pamilya, na kulang pa kung isasaalang-alang ang mahal na presyo ng mga bilihin.

Watch more News on iWantTFC

Ngayong Hunyo, ilang ruta ng libreng sakay ang ipinatigil na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), kaya nangangamba ang ilang tsuper na balik-pasada na hindi sapat ang kikitain nila kompara sa natatanggap sa libreng sakay.

"Mahihirapan na makuha ‘yong bigay noong libreng sakay. Medyo mahina dito sa amin gawa ng konti na lang ang sumasakay gawa ng umaangat din ang pamasahe. 'Yong iba lakad na lang," anang driver na si Hernando Limbaga.

Kung kulang para sa tsuper ang dagdag-pasahe, umaaray naman ang mga pasahero dito. 

"Malaking bagay na po lalo sa mga parehas ko po na 3 sakay," sabi ng pasaherong si Susan delos Reyes.

"Pag kinompute po 'yong isang buwan, malaking bagay po sa budget po namin… Halimbawa sa aming nagtatrabaho, malaking bagay na pagdagdag sa pagkain," ani Mark Ramirez.

Ayon naman sa grupong National Center for Commuter Safety and Protection, nauunawaan nila ang pagpapatupad ng dagdag-pasahe.

Nauna nang sinabi ng LTFRB na pag-aaralan pa nito ang petisyon ng ilang transport group na P5 dagdag sa minimum na pasahe sa jeep.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.