PatrolPH

Nasa 50 pamilya, apektado ng sunog sa BF Homes Parañaque

ABS-CBN News

Posted at Jun 30 2021 07:32 PM | Updated as of Jun 30 2021 10:34 PM

MAYNILA (UPDATED)— Umaabot sa 50 pamilya ang apektado sa sunog na sumiklab sa BF Homes sa Parañaque City, Miyerkoles ng hapon, ayon sa mga awtoridad. 

Bandang 1:45 p.m. nai-report ang sunog sa Ipil site sa BF Homes, na umabot sa ika-4 na alarma bago naapula bandang alas-4 ng hapon. 

Ayon kay Parañaque City Mayor Edwin Olivarez, may isang residenteng sugatan sa ulo na dinala agad sa ospital para magamot.

Sa inisyal na imbestigasyon ng BFP Parañaque, nagsimula ang apoy sa isang bahay na may nagwe-welding at mabilis itong kumalat dahil karamihan sa mga bahay na gawa sa light materials ay dikit-dikit, ayon kay Olivarez. 

Hindi rin umano nakapasok agad ang mga bumbero dahil malayo sa kalsada ang Ipil site. Kaya ang magkakapitbahay ay nagtulungan sa pagpapasa ng mga timba ng tubig.

Karamihan sa mga nasunugan ay halos walang naisalbang gamit, at wala rin magawa kundi umiyak na lang at manawagan.

Marami din daw sa kanila ay nawalan ng trabaho dahil sa pandemya, kaya nananawagan sila ng tulong.

Tiniyak naman ni Olivarez na mabibigyan ng ayuda ang mga nasunugan. Pero susuriin pa nila ang dami ng mga biktima at ang napinsala.

Ang nais lang muna niya ay masiguro na nasusunod ang minimum health protocols.

Sa dami kasi ng tao ay nagkadikit-dikit ang karamihan.

Pansamantalang mananatili sa Fourth Estate Elementary School BF extension ang mga nasunugan.

Nasa P200,000 umano ang halaga ng pinsala sa sunog.

—Ulat ni Wheng Hidalgo, ABS-CBN News

BALIKAN

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.