PatrolPH

Mag-ama patay nang bumangga ang SUV sa truck sa Iloilo

ABS-CBN News

Posted at Jun 30 2021 02:27 PM

Patay ang mag-ama matapos bumangga ang sinasakyang SUV sa isang wing van truck noong hapon ng Martes sa Dumangas, Iloilo.

Kinilala ng mga awtoridad ang mga nasawi bilang sina Porferio Hermo Jr., 65, at anak niyang si Joey Alison Hermo, 34. Pareho umano silang nakatira sa Barangay Aurora del Pilar sa Dumangas.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, pauwi na sana ang mag-ama galing Iloilo City sakay ng SUV na minamaneho ng anak. 

Pagdating umano sa may Barangay Bantud Fabrica sa Dumangas ay inagaw nila ang linya ng wing van truck, dahilan upang sila'y magbanggan.

Sa lakas ng banggaan ay nawasak ang harapang bahagi ng SUV habang nawasak din ang bumper ng truck.

Agad isinugod ang mag-ama sa ospital pero idineklara ring dead on arrival dahil sa mga tinamong malubhang sugat.

Nasa pangangalaga naman ng Dumangas police ang truck driver, na nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso.

— Ulat ni Rolen Escaniel

FROM THE ARCHIVES

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.