Tulong panawagan para sa batang babaeng nasagasaan sa Cavite

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Jun 30 2020 02:36 PM

Kailangang maoperahan ang 4 anyos na si Joy Michelle Leonor matapos mabangga ng tricycle sa labas ng kaniyang bahay sa Carmona, Cavite. Retrato mula kay Jayson Leonor

Nanawagan para sa tulong pinansiyal at donasyon na dugo ang pamilya ng isang 4 na taong gulang na babae na nabangga ng tricycle sa labas ng kaniyang bahay sa Carmona, Cavite. 

Isang linggo nang nasa Jose Reyes Memorial Medical Center sa Manila ang batang si Joy Michelle Leonor na naghihintay na maoperahan. 

Ayon sa kapatid niyang si Jayson, kulang sila ng donasyon na dugo para B+ na blood type at pambayad para matuloy ang pag-opera. 

Kuwento ni Jayson, nabalian si Joy sa kaliwang hita nang mabundol ng tricycle nang tumakbo ito palabas ng bahay noong Hunyo 23.

Kailangan ng agarang operasyon na maglalagay ng bakal sa buto para maiwasang magkalyo ito at mahirapan siyang makalakad ulit.

Ito na ang tanging hiling ng pamilya para sa nalalapit na ika-5 kaarawan ni Joy sa Hulyo 2.

"Parang dinudurug 'yong puso ko kapag nakikita kong nahihirapan kapatid ko. Hindi ko maiwasan na umiyak," sabi ni Jayson sa Facebook. 

Kailangan nila makalikom ng P25,000 pambayad pa lang sa ospital, pero hindi pa umano kasama ang operasyon. 

Sa mga nais tumulong, maaaring magpadala ng donasyon sa pamamagitan ng mga sumusunod:

  • GCash: 09551485070
  • Smart Padala: 5577-5195-2202-9108
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.