Sitio sa Cebu City binabantayan matapos malamang 'nagpa-disco' noong Linggo

Annie Perez, ABS-CBN News

Posted at Jun 30 2020 05:58 PM | Updated as of Jun 30 2020 08:11 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

CEBU CITY — Isang sitio sa lungsod na ito ang mahigpit na binabantayan ng mga pulis matapos napag-alaman na nag-disco ang mga residente dahil umano nagdiwang ng pista ng kanilang patron noong Linggo. 

Nag-post sa social media noong Lunes ng gabi ang isang "Skydancer Jill Bonch" ng mga video kung saan makikitang nagkukumpulan ang mga tao sa Sitio Mahayahay, Barangay Calamba sa Cebu City.

Sumasayaw sila at nag-iinuman pa.

Caption niya sa isang video ay nagdidiwang sila ng pista ng kanilang patron. Napag-alaman na nangyari ang pista Linggo ng gabi.

Nitong Martes ay pinadalhan ng SWAT at SAF forces ang lugar para matiyak na walang lumalabas na residente.

Nagpunta rin ang mga pulis ng CIDG para alamin kung sino ang mga nasa video.

Sabi ni Police Lt. Carlos Narca ng SWAT, sa assessment nila sa lugar ay marami pa ring lumalabas kaya pinagsabihan nila ang mga residente na manatili na sa kanilang bahay.

Sabi ng barangay chairman, walang nagpaalam sa kanila na may pagdiriwang sa pista na gagawin.

Ipinahuli ang anim na nakilala nila sa video at nanatili ang mga ito sa police station 6 na ng Cebu City Police Office.

Nag-isyu na ng show cause order ang Cebu City Hall sa barangay chairman ng Calamba dahil sa insidente.

Nadismaya sa insidente ang director ng Police Regional Office sa Central Visayas dahil ang mga ganoong pangyayari ang dahilan kung bakit mananatili sa ECQ ang lungsod.

"It is the cooperation of the community that we are trying to ask, we cannot succeed if the community is always violating." ani Police Brig. Gen. Ignatius Ferro. 

Nagka-problema naman sa pamamahagi ng bagong quarantine pass sa lungsod.

Kasing laki ng bond paper kasi ito at hindi gumagana ang QR code at hindi pa nabigyan ang iba.

Ang isang residente, nakipag-debate pa sa checkpoint.

Hirap kasi silang makabili ng mga pangangailangan dahil wala pa silang natanggap na quarantine pass.

Sa tala ng City Health Department ngayong Martes, 353 ang dagdag na kaso sa lungsod kaya may 5,494 na ang kumpirmadong COVID-19 sa lugar, kung saan 2,723 ang nakarekober.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.