'Para kaming kriminal': 3 nurse 'ikinulong' ng condo admin dahil sa COVID-19 scare

Niko Baua, ABS-CBN News

Posted at Jun 30 2020 06:09 PM | Updated as of Jun 30 2020 08:19 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Tatlong nurse ang ni-rescue ng National Bureau of Investigation (NBI) nitong Martes matapos umano silang ikulong ng pamunuan ng isang condominium sa Quezon City kahit nag-negative sila sa swab test para sa COVID-19. 

Kinausap ng NBI Special Action Unit ang admin ng Victoria Towers sa Quezon City matapos magpasaklolo ang tatlo nilang residenteng nurse na hindi pinayagan umano ng admin makalabas ng kanilang unit.

Hinihingan kasi sila ng clearance mula sa barangay, pero kahit may clearance na sa barangay na COVID-19 free sila ay hindi pa rin umano sila pinapalabas.

Kaya inutusan na ng NBI ang admin na hayaang makalabas ang mga nurse.

"Hindi makatao ang ginawa nila sa amin, tinrato kaming parang kriminal," ayon sa isang nurse na nasagip.

Kuwento ng mga nurse, nagkaroon sila ng exposure sa COVID-19 pero lagpas-lagpas na raw sila sa quarantine period at nag-negative sila sa swab test. Pero ikinulong daw sila sa kanilang unit nang pitong araw.

"Pinakita ko 'yung certificate, pero ayaw nila makinig sa amin at wala silang mapakitang policy," ayon sa isang nurse.

Ayon sa barangay chairman, nakiusap na siya dati sa admin ng condominium pero hindi rin daw siya pinakinggan ng property management officer.
    
Tumangging magbigay ng pahayag ang opisyal ng condominium na dinatnan ng NBI.

Ayon sa NBI, labag sa karapatan ng mga nurse ang ginawa ng condo admin.

"Meron din kasing threat from the condo na pag umalis sila sa condo eh hindi na sila makakabalik... Iyung mga frontliners na nakaranas ng discrimination, may mga karapatan kayo na dapat ini-insist, at dapat naga-guide ang LGU," paliwanag ni Kristine dela Cruz, executive officer ng NBI Special Action Unit. 

Kulong ang property management officer ng condo habang nakatakas ang kanilang security officer. 
    
Pero kakasuhan sila pati ang legal officer ng condo ng illegal detention at paglabag sa ordinansa ng lungsod laban sa diskriminasyon sa mga frontliner. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.