Paglilipat sa 'doctors to the barrios' sa Cebu City boluntaryo na lang: DOH

ABS-CBN News

Posted at Jun 30 2020 04:22 PM

MAYNILA — Inihayag ngayong Martes ng Department of Health na boluntaryo na lang ang paglipat ng mga barrio doctor sa Cebu City matapos umalma ang mga nasabing doktor.

"We needed doctors sa Cebu at 'yon talaga ang kanilang cry for help. Marami nag-refuse and it's quite disheartening because nasa public health emergency tayo. Sana 'yong commitment ng doctors are there," ani Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire.

"Nakipag-dialogue tayo with them. Ang ating recourse, these would all be voluntary, para wala nang issue for the meantime," ani Vergeire.

Nang unang inanunsiyo ng DOH na ide-deploy sa Cebu City ang ilang doktor sa ilalim ng Doctors to the Barrio (DTTB) program, kinuwestiyon ng mga nasabing doktor ang hakbang lalo at hindi umano sila kinonsulta ukol rito.

Taliwas din umano ang paglilipat sa layunin ng DTTB program, na matugunan ang pangangailangan sa mga doktor ng malalayo at liblib na komunidad.

Itinanggi naman ni Vergeire na mawawalan ng mga doktor ang mga komunidad na tatanggalan ng mga DTTB.

"It's not true we are going to leave the municipalities without doctors. Primarily pa rin 'yong kanilang mandate doon. Kung walang doctor na maiiwan sa municipality, hindi namin kukunin," ani Vergeire.

Ayon naman sa isang DTTB sa Cebu, dapat kumuha na lang ang gobyerno ng dagdag na health worker para sa laban sa COVID-19.

Ayon kay Vergeire, bagaman nakakuha sila ng mga bagong health worker matapos mag-emergency hiring, marami sa mga ito ay naitalaga sa Metro Manila.

Bukas naman umano ang DOH na kumuha ng post-medical intern o medical students na may sapat nang training, at nagtapos na at naghihintay na lang na makakuha ng board exams.

"Baka sakali puwede na silang gamitin because there is a law naman to support this. They are already trained, board exams na lang ang kulang. They just need to be deployed at kailangan lang may nagsu-supervise na license[d] physician sa kanila," ani Vergeire.

Noong Lunes, nakapagtala ang Cebu City ng 5,915 kumpirmadong kaso ng COVID-19, kung saan 3,374 ang aktibo. -- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.