OWWA may bagong ayuda para sa mga OFW na nawalan ng trabaho

Zen Hernandez, ABS-CBN News

Posted at Jun 30 2020 06:13 PM | Updated as of Jun 30 2020 08:29 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Inihahanda na ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang panibagong round ng ayuda para sa mga overseas Filipino workers (OFW) na nawalan ng trabaho dahil sa pandemyang COVID-19.

Magbabakasyon lang sana ang babysitter mula Qatar na si Mary Rose Ardeno, pero pag-uwi niya, dalawang buwan siyang na-quarantine sa Metro Manila dahil sa coronavirus.
    
Nakauwi na siya ngayon sa Cagayan de Oro at nagtitinda muna ng ulam at kakanin. Pero alam niyang hindi ito sapat pantustos sa pangangailangan ng dalawang anak.

"Pag magtagal itong sa ano, pandemic na ‘to paano ko sila mabubuhay sa araw-araw, tapos 'yang pag-eskuwela nila baka hindi ko po makayanan," aniya.

Sa monitoring ng Migrante International, maraming OFW ang hindi rin nabigyan ng ayuda mula sa OWWA. Maging ang ilang seafarers na noon pa umuwi, naghihintay pa rin ng ayuda.

"Hindi pa po nakukuha yang mga sa Grand Princess, sa MVR Tanya, sa Ruby Princess, sa Diamond Princess... Mga ilan lang ang nakakuha, 'yung iba naman hanggang ngayon namo-monitor namin, hindi pa rin nakukuha 'yung P10,000 eh apat na buwan na po," pagtataka ni Edwin dela Cruz ng Migrante International.

Sinimplehan na ng OWWA ang requirements para sa application sa P10,000 cash assistance. Passport na lang at personal undertaking o deklarasyon na nawalan ng trabaho.

Pero hindi na proseso ang problema kundi pondo.

Ang magandang balita, inaprubahan ng OWWA board of trustees ang panibagong round ng ayuda.

"P10,000 financial assistance for active OWWa members na hindi nakinabang dito sa DOLE-AKAP. At number 2 ay 'yung scholarship for one college level dependent," ani OWWA administrator Hans Cacdac.

Sa kabila nito, aminado ang OWWA na kung kukunin ito sa trust fund na galing sa mga kontribusyon ng mga OFW ay mamemeligro ang pondo.
    
Nasa P2.5 bilyon daw kasi ang kakailanganin sa cash assistance at scholarship package.

Humigit kumulang P1 bilyon na rin ang nagastos sa mga pangangailangan ng mga nag-uwiang OFW at marami pa ang inaasahang uuwi.

"We’re expecting 150,000 to 300,000 more na padating, we’re expected to spend P5-6 billion more by the end of the year... Next year, that’s an entire year, we’re hoping that the situation does not get worse, but if it does, talagang under peril, under threat 'yung ating private trust fund," ani Cacdac.

Nasa P18.6 bilyon ang OFW funds na hawak ng OWWA. Pero kung susumahin lahat ng nagastos at posibleng gastusin pa ay babagsak ito sa P10 bilyon sa pagtatapos ng taon.
    
Panawagan naman ni Labor Secretary Silvestre Bello III, pamahalaan ang maglaan ng pondo para hindi na magalaw pa ang pondong ipinatabi ng mga OFW.

"Dapat gobyerno ang magbigay ng pera para matiyak natin na lahat ng kailangan ng ating mga OFW ay matugunan natin," aniya.

Limang bilyong supplemental budget ang hinihingi ngayon ng OWWA mula sa Kongreso para sa mga ayudang kakailanganin ng mga OFW hanggang katapusan ng taon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.