NTC ipinatigil ang ilang TVplus channels sa Metro Manila, SKYdirect

Mike Navallo, ABS-CBN News

Posted at Jun 30 2020 07:34 PM | Updated as of Jun 30 2020 08:15 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Naglabas na ang National Telecommunications Commission (NTC) nitong Martes ng panibagong cease and desist order sa ABS-CBN at isa pa laban naman sa SKYdirect.

Matatandaang pinag-initan sa Kamara noong Lunes ang patuloy na pagsasahimpapawid ng mga palabas ng ABS-CBN sa TVplus at sa SKYdirect.

Kabilang sa order ang pagpapatigil sa palabas ng Cinemo, YeY, TeleRadyo, at KBO sa TVplus sa Metro Manila.

Itong mga channel na ito ay umeere sa pamamagitan ng channel 43 na pagmamay-ari ng Amcara Broadcasting Network.

Ayon sa NTC, binigyan nila ng pahintulot ang ABS-CBN noong Mayo 2019 na i-convert ang analog signal nito na channel 2 sa digital terrestrial television gamit ang channel 43. 

Sa pamamagitan ng digital signal, nakakapagbrodkast ang ABS-CBN nang hanggang 6 na channel o programs gamit ang isang frequency.

Kinuwestiyon ng mga mambabatas ang blocktime arrangement pero iginiit ni ABS-CBN CEO and president Carlo Katigbak na wala nang shares ang kompanya sa Amcara at ibang kompanya ito sa ABS-CBN na may sariling prangkisa.

Pangkaraniwan din umano ang blocktime arrangement sa telebisyon kung saan binibili ang airtime para maipalabas ang mga programa. 

Base na rin sa parehong dokumentong tinutukoy ng NTC, kinilala ng NTC ang blocktime arrangement ng ABS-CBN at ng Amcara kung saan ang ABS-CBN ang content provider at Amcara ang brodkaster.

Pinapahinto rin ng NTC ang SKYcable sa pag-aalok ng direct broadcast satellite o mas kilala bilang SKYdirect.

Ito 'yung direktang pag-transmit ng mga palabas ng SKYcable sa mga tahanan sa pamamagitan ng satellite signal.

Paso na kasi ang prangkisa ng SKYcable nong Mayo 4.

Dahil dito, hindi na rin umano puwedeng ipagpatuloy ang kontrata ng SKYcable sa New Skies Satellites BV, isang kompanya na nagpaparenta ng satellite capacity. 

Binigyan din ng NTC ang SKYcable nang 10 araw para magpaliwanag kung bakit hindi dapat bawiin sa kanila ang radio frequencies nito.

Inutusan din ang SKYcable na i-refund ang mga hindi pa nagagamit na prepaid load, deposit at ano pa mang singil sa mga subscribers nito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.