Mga jeepney driver nililinlang sa mga planong balik-pasada: transport leader

ABS-CBN News

Posted at Jun 30 2020 04:50 PM | Updated as of Jun 30 2020 07:50 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Duda ang isang grupo ng mga jeepney driver at operator sa pahayag ng gobyerno na maglalabas ngayong linggo ng guidelines para sa balik-pasada ng mga lumang jeep sa Metro Manila.

Ito ay matapos sabihin noong Lunes ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) chairman Martin Delgra na papayagan nang makabiyahe ulit ngayong linggo ang mga lumang jeepney na maituturing na "roadworthy."

"Itong LTFRB at [Department of Transportation], hindi rin nagsasabi ng totoo. Nililinlang nila ang mga jeepney drivers dahil gusto nilang buhusan ng malamig na tubig 'yong galit na nararamdaman ng mga jeepney drivers," sabi ngayong Martes ni Piston President George San Mateo.

Ayon kay San Mateo, pinapaasa lang ng gobyerno ang mga jeepney driver dahil wala na rin naman ang mga dating ruta ng jeep sa Metro Manila.

"Papano nila masasabi ngayon na ibabalik nila ang mga jeepneys gayong winasak na ng LTFRB o sinira na ng LTFRB ang lahat ng 1,200 na jeepney routes sa Metro Manila?" ani San Mateo.

Inaasahang ilalabas sa Miyerkoles ng LTFRB ang guidelines sa balik-pasada ng mga jeep.

Nalalabuan naman ang jeepney driver na si Vincent Narag na papasa sa "road worthiness" ang kaniyang 1996 na jeep.

"Sa tingin pa lang, wala na, bagsak na," ani Narag.

Tatlong buwan nang walang hanapbuhay si Narag, na may asawa at 4 anak, at ngayo'y namamalimos sa may C.P. Garcia Avenue sa Barangay UP Campus.

Natigil ang pagpasada ng mga lumang jeep noong Marso matapos mahinto ang pampublikong transportasyon bunsod ng lockdown, na ipinatupad para makontrol ang pagkalat ng coronavirus disease sa bansa.

Mula nang magluwag ang quarantine restrictions, inunti-unti ng gobyerno ang pagbabalik-operasyon ng mga pampublikong sasakyan. -- Ulat ni Jorge Cariño, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.