Mga guro sa Burdeos, Quezon hiling ang ink, bond paper para sa modules

ABS-CBN News

Posted at Jun 30 2020 01:53 PM

MAYNILA - Dahil sa magiging blended learning na ang paraan ng pag-aaral sa papasok na school year sa Agosto, nanawagan ng donasyong bond paper at ink o tinta ang ilang guro sa Burdeos, Quezon para sa pag-imprenta ng mga module ng kanilang mga estudyante. 

Naglunsad ang ilang mga guro ng Burdeos Central Elementary school ng social media campaign na pinamagatang “Bond Paper Mo, Ink Mo, Malaking Tulong sa Modyul ng mga Estudyante Ko” na layong makakuha ng donasyon mula sa mga nais tumulong. 

Kuwento ni Julie Ann Ricaplaza Morga, isang guro, hindi naman aniya lahat ng estudyante ay may gadget at internet. 

Dahil dito, karamihan ng mga estudyante ay bibigyan nila ng mga module para pag-aralan sa bahay. Iyon nga lang, kulang ang limang ream ng bond paper para sa isang estudyante. 

“Ang pokus po ng Brigada Eskwela ngayong taon ay ang pagpapatuloy ng edukasyon ng mga bata sa kabila ng pandemyang ating nararanasan. At dahil maraming mag-aaral ang walang gadgets at internet connection ay sila po ay mag-aaral gamit ng modules na ipo-provide ng paaralan. 

May supplies naman daw anila galing sa Department of Education, pero hindi raw ito sapat. Mahigit 1,000 estudyante ang papasok sa kanilang paaralan sa paparating na Agosto. 

"Ako po ay kumakatok sa inyong puso. Hindi po kailangan ng malaking halaga para makatulong. Maaari po kayong mag-donate ng bond paper at ink," ani Morga. 

Ang Burdeos ay isang 4th Class Municipality o isa sa pinakamahirap na bayan sa probinsiya ng Quezon, na matatagpuan sa isla ng Polilio.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.