Labor issues sa ABS-CBN hinimay sa franchise hearing ng Kamara

RG Cruz, ABS-CBN News

Posted at Jun 30 2020 10:02 PM | Updated as of Jun 30 2020 10:50 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Hinimay ng Kamara noong Lunes at nitong Martes ang sari-saring labor issues sa ABS-CBN sa gitna ng pagdinig para sa aplikasyon ng network para sa panibagong 25-year franchise.

Tatlong dating empleyado ng ABS-CBN ang humarap sa Kamara para ireklamo ang pagkakatanggal nila sa kompanya.

Bukas silang manatili ang operasyon ng ABS-CBN pero anila, sana'y mabigyan sila ng katarungan.

Pero ayon sa ABS-CBN, mismong Department of Labor and Employment (DOLE) ang nagsertipika na nag-comply ang kompanya sa labor standards batay sa huling routine inspection nito noong 2019.

Ipinaliwanag din ng ABS-CBN na kakaibang industriya ang broadcasting kung saan hindi maaaring i-regular ang lahat ng manggagawa dahil hindi naman umano panghabambuhay ang mga programa.

"There was never an instance that DOLE found this illegal. Secretary of Labor came out with Instruction 40 which clearly defines two kinds of employees in broadcast, one of which is studio employees, other is program employees," ani Joji Alonso, legal counsel ng ABS-CBN. 

Sabi naman ni Mark Nepomuceno, ABS-CBN head of transformation, nakalikha ang ABS-CBN ng higit 24,000 trabaho noon lamang 2019. 

Watch more in iWant or TFC.tv

"So, ang total po nitong [2 reports] is 24,275. What is the significance of this number po? This number shows the number of jobs ABS-CBN creates within a year. So for the year 2019, ABS-CBN created 24,275 jobs," ani Nepomuceno.
    
Ibinahagi din ng mga unyon sa loob ng ABS-CBN na apektado na sila at kanilang mga pamilya sa dagok na pinagdadaanan ng network, na halos 2 buwan nang wala sa ere.

Maaalalang noong Mayo 5 ay ipinag-utos ng National Telecommunications Commission ang pagtigil ng broadkast ng Kapamilya network dahil sa napasong prangkisa. 

Nauna nang sinabi ni ABS-CBN CEO and president Carlo Katigbak na posibleng magbawas ang kompanya ng mga manggagawa sa Agosto kung hindi maibabalik agad sa ere ang ABS-CBN. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.