Kalahating milyong halaga ng 'shabu' nasamsam sa Puerto Princesa

Arlie Cabrestante, ABS-CBN News

Posted at Jun 30 2020 06:25 PM

PUERTO PRINCESA CITY - Tinatayang nasa kalahating milyong pisong halaga ng hinihinalang shabu ang nasabat mula sa isang high-value target ng ilegal na droga sa isinagawang buy-bust operation nitong Lunes sa lungsod na ito.

Kinilala ang suspek na si Aldrin Joya Sena, 34 anyos at residente ng Palanca Road, Barangay Mandaragat kung saan inilunsad ang operasyon ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Unit at Puerto Princesa City Anti-Crime Task Force.

Nakuha kay Sena ang isang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may bigat na tinatayang isang gramo, isang bag na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu rin na nasa mahigit kumulang 55 gramo, P500 marked money, siyam na pirasong P1,000 bills, at isang pirasong P500 boodle money.

Ayon sa mga awtoridad, halos isang buwan ang ginawa nilang surveillance sa suspek.

Maaaring "for disposal" na rin umano ang shabu pero nahuli na ito.

"Isang malaking accomplishment ito sa PDEA na siyang talagang lead agency, katuwang itong ating Anti-Crime Task Force. At ito ay halos isang buwan nang mino-monitor, itong trabahong ito," ani Richard Ligad ng Puerto Princesa City Anti-Crime Task Force.

"High-value target din talaga siya dahil nakita mo naman yung almost kalahating milyong halaga ng drogang nakuha sa kaniya," dagdag ni Ligad, patungkol kay Sena.

Dati na rin umanong may kasong may kaugnayan sa ilegal na droga ang suspek.

Tikom umano ang bibig nito sa kung saan nakuha nito ang supply ng shabu.

"Ayaw niyang ikanta. Pero sabi nga natin, talagang hahanapin natin kung mayroon pa siyang ibang kasama," sabi ni Ligad.

Sa kabila nito, asahan pa rin umano ang mga follow-up operation upang matukoy ang pinagkukunan ng shabu sa lungsod.

Mahaharap ngayon ang suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.