Ilang taga-Capiz, stranded sa Batangas pier matapos palayasin sa inuupahan

Kevin Alabaso, ABS-CBN News

Posted at Jun 30 2020 03:54 AM

Stranded hanggang ngayon sa Batangas pier ang pamilya ni Erros Barrio Bolaño matapos silang palayasin sa kanilang tinitirhan at magkulang sa requirements para makabiyahe pauwi ng kanilang probinsya.

 

Ayon kay Bolaño, pinalayas sila sa kanilang inuupahan sa Taytay, Rizal matapos silang hindi makapagbayad ng kanilang renta mula noong buwan ng Marso hanggang Hunyo.

Dagdag pa niya, hindi umano sila makapagbayad ng P20,000 na renta kada buwan dahil walang kita ang kanilang canteen na pinagta-trabahuhan nitong mga nakaraang buwan. Dahil dito, pumalo na sa P80,000 ang kanilang dapat bayaran na renta.

Kung kaya't simula noong Hunyo 28 bandang alas-11 ng gabi pa sila stranded sa Batangas pier dahil nagbabaka-sakali silang makaluwas pauwi sa Pontevedra, Capiz.

"Nung pumunta po kami dito (Batangas pier), may contact po kami dito na makasakay kami pauwing Capiz kaso pagkarating namin dito, biglaang nagsabi si Pangulo (Rodrigo Duterte) na kailangan daw po ng swab test o rapid test," ani Bolaño sa pahayag nito sa ABS-CBN News.

"'Yung requirements po namin (para makabiyahe) medical certificate lang po at travel authorization lang po. 'Yun lang naman po talaga ang pinapakuha ng probinsya sa amin. Pagdating po dito, wala po kaming magawa kasi 'yun na nga. Biglang nagsabi na pinatigil na 'yung pauwi ng probinsya 'yung mga LSI (locally stranded individual)," dagdag pa niya.

Ayon kay Bolaño, 13 silang magkakamag-anak na stranded ngayon sa Batangas pier dahil kasama niya ang mga ito na nakatira sa bahay kung saan sila pinalayas.

Sa 13 na nabanggit, 5 rito ang bata at 2 naman ang buntis.

Noong Abril 9, nagbanta si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga nagpapaupa na huwag magpalayas ng mga tenant na hindi agad makakabayad ng renta sa gitna ng COVID-19 pandemic dahil naapektuhan ng enhanced community quarantine ang mga trabaho at negosyo ng ilang mamamayan.