Enrollment sa public schools pinalawig hanggang Hulyo 15: Palasyo

ABS-CBN News

Posted at Jun 30 2020 02:48 PM | Updated as of Jun 30 2020 08:34 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinalawig hanggang Hulyo 15 ang enrollment sa mga pampublikong paaralan para sa susunod na school year, sabi ngayong Martes ng Malacañang.

Umarangkada ang enrollment sa public schools noong Hunyo 1 at nakatakda sanang matapos ngayong Martes, Hunyo 30.

"Ang mabuting balita po, mga magulang, extended po ang enrollment until July 15," ani Presidential Spokesperson Harry Roque.

"Huwag naman ho hayaan na matigil ang proseso ng edukasyon ng ating mga anak bagaman may COVID-19," dagdag ni Roque.

Nasa 15.2 milyon na ang nag-enroll sa mga pampublikong paaralan, ayon sa datos ng Department of Education (DepEd) nitong umaga ng Martes.

Noong nakaraang taon, nasa 22 milyon ang naka-enroll sa public schools.

Umabot naman sa 15.9 milyon ang kabuuang bilang ng mga nag-enroll sa parehong public at private schools, ayon sa DepEd.

Ipinatupad ng DepEd ang remote enrollment sa mga public school, kung saan nag-enroll ang mga bata sa pamamagitan ng text message, phone call o social media.

Simula noong Hunyo 16, ipinatupad din ng DepEd ang drop box enrollment kung saan hinuhulog ang mga enrollment form sa mga kahong nakalagay sa mga barangay hall, paaralan at iba pang lugar sa komunidad.

Sa darating na pasukan, gagamit ang mga paaralan ng online portals, printed at digital modules, radyo at telebisyon para maihatid sa mga estudyante ang mga lesson.

Ipinagbabawal ang face-to-face classes dahil sa banta ng COVID-19. -- May ulat nina Arianne Merez at Jaehwa Bernardo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.