'Di pa handa ang mga ipapatayong bus lanes sa gitna ng EDSA: kongresista

ABS-CBN News

Posted at Jun 30 2020 08:03 PM

MAYNILA - Hindi pa handa ang mga bus lane na inihahanda ng Metro Manila Development Authority sa EDSA, ayon sa ilang kongresista na nagsagawa ng inspeksyon hinggil dito ngayong Martes. 

Sa ipinapanukalang bagong EDSA bus lanes, ilalagay sa dalawang gitnang lane ng EDSA ang mga babaan ng bus, katabi ng Metro Rail Transit 3 (MRT3) 

Higit 500 bus ang magpapaikot-ikot dito.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ayon kay Caloocan 2nd District Rep. Egay Erice, kulang pa ang mga kagamitan gaya ng mga lifter at hindi pa kumpleto ang construction process para sabihing handa na ito na magamit sa Agosto. 

“Hindi mo pwedeng ipatupad ang isang proyekto habang nagbubungkal ka pa, wala pa yung mga lifters etc...hindi pa kumpleto... Sa kahit na anung bagay, bago ka mag desisyon, dapat handa ka,” ani Erice. 

Para kay Erice, pinag-eeksperimentuhan lagi ng Department of Transportation ang kanilang plano at tila “hindi napag-aralan” ang mga commuter na gagamit nito. 

“Ni hindi nga inaral ang kultura ng commuters, wala… Sabi pa nila kanina daily ang gagawin nilang assessment, so ano yun, eh di trial and error?” ani Erice. 

Aabot sa 17 kongresista kasama ang ilang opisyal ng MMDA at Department of Transportation ang sumama sa inspeksyon. 

"Di pa ready, 'Pag di pa handa kahit na anong gawain sa pamahalaan, at inimplement mo, malaking problema yan," ani Erice sa pagdinig sa Kongreso. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Paliwanag pa ni Erice, may mga lugar din daw sa EDSA na hindi akma sa disenyo para sa dalawang bus lane sa gitna tulad ng Timog at Santolan, na lalagyan umano ng modern jeepney mini loop. 

Hindi rin daw anila ligtas ang pagbaba ng mga pasahero mula sa mga bus sa gitna ng EDSA. 

Pagbaba ng bus, may espasyo para sa mga pasahero at maglalagay ng separator para ligtas raw na makababa mula sa bus. Gagawin ding umanong concrete barrier ang mga nakaharang at iuurong pa para magkasya ang isa pang bus. 

At bukod dito, maglalakad pa ang pasahero papunta sa MRT para makatawid sa kalsada at maglalagay ng hagdan, lifters, at footbridge sa ibang bus stop, bagay na maaari umanong maging delikado. 

Depensa ng MMDA, pansamantala lang ang EDSA bus lane. 

“Hindi po ito trial and error. This is interim like [we want to know] how can we improve this… Anong gusto natin? Bumalik yung tao sa pagbaba sa gilid na babalagbag ang bus? Iayos natin in an interim basis,” ani MMDA General Manager Jojo Garcia.

Pero kasabay ng pansamantalang EDSA bus lane system, bibili ng 36,000 concrete barrier ang gobyerno na higit tig-P4000 ang isa. 

"Matagal na pong issue dito sa EDSA na hindi na naso-solve ang traffic ito po ang ating hinahain sa ating commuters na sila naman ang maging king of the road,” ani Transportation Asec. Mark Steven Pastor. 

Target ng DoTr na maipatupad ang EDSA bus lane sa Agosto. Pero inirerekomenda ni Erice na huwag muna itong ipatupad hangga't hindi pa handa ang ahensiya para rito. — Ulat nina Jacque Manabat at Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.