‘Bayanihan para kay Bon’: Magtataho, lubos ang pasasalamat sa muling pagsigla ng kita

Josiah Antonio, ABS-CBN News

Posted at Jun 30 2020 08:09 PM

Larawan mula kay Annie Dela Calzada

Susi ang pagbabayanihan ng mga suki para manumbalik sa dati ang sigla ng kanyang kita sa pagbebenta ng taho at soya milk, ayon sa taho vendor na si Bon Gaufo nitong Lunes.

Sa panayam ng ABS-CBN News sa 39 anyos na magtataho, sinabi ni Gaufo na malaki ang kanyang pasasalamat sa kanyang mga suki sa University of the Philippines Diliman, tulad na lamang ng mga estudyante, empleyado, mga konseho ng mag-aaral, at taong simbahan.

“Kinikita ko po ngayon, minsan P1,000. Inaabutan pa po kasi ako ng mga suki ko. Pang-anim na araw ko pa lang po ngayon,” ani Gaufo.

“Kapag naaalala ko po ‘yung mga binigay sa’kin, nahihiya po ako. Kapag binibigyan po ako ng mga estudyante [ng sobrang pera], naiiyak po ako,” dagdag pa niya. 

Mabusisi si Gaufo sa kanyang pagtitinda at gumagamit ng facemask at plastic gloves.

Nakahanda rin sa mga plastic storage containers ang kanyang mga lako.

Kwento ni Gaufo, kumikita siya noon ng P500 hanggang P900 kada araw. Natigil ito nang isailalim ang Luzon sa enhanced community quarantine dahil sa pandemya.

Aniya, ang kaniyang pamilya ay umaasa lamang sa kaniyang paglalako ng taho at ayudang inaabot ng mga konseho ng mag-aaral, empleyado at taong simbahan.

May 9 anyos na anak si Gaufo at ang kaniyang 42 anyos na asawa.

“Para po kaming preso, nakakulong lang kami sa bahay,” ani Gaufo.

Bumalik siya sa pagtitinda, aniya, nitong Hunyo 1, ngunit nahirapan at kumikita lamang siya ng P300 kada araw.

“Minsan, sa palengke, pinagta-tiyagaan ko po ‘yung barya-baryang P10 hanggang P15,” ani Gaufo.

Kwento niya, sinubukan niya lang bumalik ng UP nitong nakaraang linggo matapos magtanong-tanong sa mga kakilala nitong estudyante sa Facebook.

Agad naman itong pinuntahan ng ilang mga suki, katulad na lamang ni Annie Dela Calzada, 20, isang estudyante ng social work sa UP. Tatlong taon nang suki ni Gaufo si Dela Calzada.

“Gusto ko talaga siyang tulungan kahit ‘di ko pa naman noon alam ‘yung kwento na hindi pala sya nakapagtinda sa buong [enhanced community quarantine]. Hindi naman malaking kabawasan para sa akin o para sa atin ang halagang P30 para makatulong,” kwento ni Dela Calzada sa ABS-CBN News. 

“So, my girlfriend and I decided to go to UP and find Kuya Bon. We saw him. I talked to him. Tapos, ayon nalaman ko na ganoon nga ang nangyari. So, noong nakauwi ako, I sent him a message, asking if I can post his product sa isang Facebook page. Then, ayon, hindi ko inaasahan na lalaki ang reach,” dagdag pa niya.

Nang hindi naman dumating ang inaasahang customers ni Gaufo, agad namang rumesponde si Diego Salcedo, 21, sports science graduate sa parehong pamantasan.

Aniya, apat na taon na siyang bumibili sa magtataho. At nang mapadaan ngayong Martes, nalaman niya ang nangyari sa lako ng tindero.

“‘Di dumating ‘yung customer. So naisip ko na ma-share sa social media para baka may makakita na gusto mag-claim ng orders,” sinabi ni Salcedo sa panayam sa ABS-CBN News ngayong Martes.

Matapos i-post naman ito ni Salcedo sa isang Facebook group, mabilis itong naubos.

Laking tuwa nina Dela Calzada at Salcedo na nakatulong ang kanilang mga post para sumiglang muli ang kita ni Gaufo.

“Nakakatuwa rin for them because marami nag-reach out to help after kong mag-post,” ani Salcedo.

“I'm super happy for Kuya Bon kasi alam ko na dahil maraming nakakita nung post, mas marami s’yang makukuhang customers. Although, ‘di ko talaga inexpect na magbo-blow up nang gan'un ‘yung post ko e. Hindi ko ine-expect na ganito magiging resulta ng isang simpleng post sa isang Facebook group,” dagdag ni Dela Calzada.

Sa ngayon, tumatanggap din ng orders si Gaufo sa kanyang Facebook account na Bon Gaufo.

Sa ilalim ng lockdown, maraming mga vendor mula sa naturang pamantasan ang nakipagsapalaran para kumita.

Ilang mga vendor na rin sa Quezon City, ang nakulong at nakalaya rin agad sa pagnanais na makapaghanapbuhay kahit may lockdown.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.