Bantay Bata, OWWA, Ugat Foundation umaalalay sa mga anak ng mga OFW

ABS-CBN News

Posted at Jun 30 2020 08:03 PM

May alok na libreng counseling sa overseas Filipino workers ang UGAT Foundation kung saan kabilang si Cherline San Diego. Nakipag-partner ang grupo sa Bantay Bata 163 para umalalay sa pangangailangan ng mga anak ng mga OFW. ABS-CBN News

Sa mga video na ipinadala ng ilang overseas Filipino worker sa Bayan Mo iPatrol Mo, makikitang hindi maitago ang stress na pinagdadaanan nila dahil sa krisis sa coronavirus disease.

Kabilang ang mga OFW sa tinututukan ngayon ng Ugnayan at Tulong Para sa Maralitang Pamilya o UGAT Foundation para matiyak na naaalagaan ang mental health nila.

May alok na libreng counseling sessions ang UGAT sa mga naka-quarantine na OFW sa Pilipinas at online counseling sa mga nasa ibang bansa.

"Sa panahon ngayon dahil ang daming uncertainty, ang daming hindi natin maintindihan na bagay, mas lalong gumugulo iyong isipan at damdamin natin," ani Cherline San Diego ng UGAT Foundation.

"It's important to be able to process these emotions and thoughts para po mas maintindihan natin kung paano po tayo magmo-move forward," dagdag niya.

Katuwang ng UGAT Foundation ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Bantay Bata 163 ng ABS-CBN Foundation para maalalayan ang pangangailangan ng mga anak ng OFW na dumudulog sa UGAT at OWWA.

"It started with the needs of the OFWs and their families and their children but noong nakikipag-usap tayo sa UGAT... pumayag naman sila na iyong partnership natin will go beyond the OFWs. Kumbaga simula pa lang ito," ani Bantay Bata 163 program director Jing Castañeda.

"Kapag partner ka with something like Bantay Bata, mas wide po iyong reach kumbaga mas marami po tayong matutulungan," ani San Diego. -- Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.