Babaeng dumalo sa birthday party sa Davao City, nagpositibo sa COVID-19

Berchan Angchay, ABS-CBN News

Posted at Jun 30 2020 01:27 AM

DAVAO CITY - Ipinaalam ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio nitong Lunes na mayroong nagpositibo sa COVID-19 na taga Barangay Dalagdag, Calinan, Davao City na napag-alamang dumalo sa isang birthday party.

Ayon kay Calinan District Doctor Dr. Jojit Marbas, babae ang pasyente, 29-taong gulang, at namamasukang house helper sa Sasa, Davao City. 

Hunyo 20 umuwi ito sa kanila sa Barangay Dalagdag dahil kaarawan ng kaniyang kamag-anak.

"Dako gyud ang handa kay party man so nag letchon so knowingly mao diay to nga carrier na diay siya (Isang pamilya talaga ang pumunta... Marami-rami rin ang pumunta at nakiparty, malaki ang handa at may lechon pa at hindi niya alam carrier na pala sya)," ani Marbas.

Symptomatic ang pasyente na nakararanas ng pag-ubo at lagnat sa nakaraang linggo. Pagkatapos ng birthday party, pumunta rin ito sa burol ng kakilala niya.

"June 22 diha na nagdevelop ang iyang ubo ug kalintura..Oo more or less nagpacheck-up kay iyang amo doctor man Dumalo pa sa isang libing itong babae noong June 21 ayon sa otoridad (hindi naman necessary na pumunta. Pagkatapos ng dalawang araw wala pang sintomas pero noong 22 doon na syang umpisang makaranas ng sintomas. Nagpacheck up agad ito dahil doktor ang amo ng babae)," dagdag pa ni Marbas.

Nanawagan si Duterte-Carpio sa publiko na sumunod sa mga alituntinin na kanilang ibinibigay.

Kung magkakaroon umano ng kasiyahan, payo ni Duterte-Carpio na iwasan muna ang pag-imbita sa maraming tao.

Kung magpaparty man lang, ayon kay Mayor Sara, iwasan muna ang pangigimbita ng maraming tao.

"Karong panahona is not the perfect time para mag-party (Hindi angkop na magpa-birthday party ngayon)...Ang question is puwede ba mi mag-party? Oo pwede mo mag-party dinha sa sulod sa inyung balay and kanang mga tao nga kauban ninyu sa balay (Ang tanong pwede ba magpa-party? Yes basta yung mga kasamahan niyo lang sa bahay, 'wag na mag-invite pa ng iba)," aniya.

Patuloy ang ginagawang contact tracing ng mga awtoridad sa mga nakasalamuha ng pasyente.