Agri group nababahala sa bagong tuklas na klase ng swine flu

ABS-CBN News

Posted at Jun 30 2020 05:54 PM | Updated as of Jul 01 2020 08:04 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Nababahala ang isang agriculture group sa isang bagong klase ng swine flu na natuklasan kamakailan ng mga mananaliksik sa China, na maaaring makahawa sa tao at may potensiyal na magdulot ng pandemya.

Ayon kay Samahang Industriya ng Agrikultura (Sinag), hindi pa kasi natatapos ang problema ng bansa sa African swine fever sa mga baboy at coronavirus disease (COVID-19) s amga tao.

Nanawagan ang grupo sa Department of Agriculture na i-ban o ipagbawal ang imported na mga baboy, o paigtingin ang quarantine sa meat products.

Sa pag-aaral na inilabas ng journal na Proceedings of the National Academy of Sciences (PNAS), isang panibagong klase ng swine flu ang natuklasan sa China, na tinawag na G4.

Galing umano ang G4 sa strain ng H1N1 virus na naging pandemya noong 2009.

Ayon sa pag-aaral, nakahahawa sa tao ang virus at nasa 10 porsiyento sa mga nagtatrabaho sa mga babuyan ang nahawahan na.

Karaniwang sintomas nito ay lagnat, ubo, at pagbahing.

Hindi pa malinaw kung naipapasa ito ng tao sa tao.

Ayon pa sa pag-aaral, ang pagkahawa at pagkalat ng G4 sa mga tao ay may posibilidad na magdulot ng pandemya.

Pero sabi naman ng Bureau of Animal Industry (BAI), masyado pang maaga para masabing mapanganib ang virus.

Sa ngayon, ipinagbabawal ang pag-angkat ng baboy at manok mula China dahil sa African swine fever, avian flu, at iba pang sakit ng mga hayop.

"Bi-nan na natin 'yong importations natin sa baboy at manok mula sa China ay malaking pagbaba na ng risk 'yon," ani BAI Director Ronnie Domingo.

"Limited siya sa mga workers sa swine farms sa China at hindi lahat," dagdag ni Domingo.

Ang problema na lang umano ay kung makapapasok ang smuggled na karne na puwedeng pagmulan ng pagkalat ng virus, gaya ng sa African swine fever.

Nangako naman ang Department of Health na pag-aaralan nila ang G4 at paano ito makakaapekto sa mga tao.

-- Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.