800 UV Express driver sa Marikina umapela na makabiyahe na

ABS-CBN News

Posted at Jun 30 2020 03:40 PM

Umapela sa gobyerno ang nasa 800 UV Express drivers sa Marikina na payagan na silang makabiyahe ulit, lalo at nagnegatibo na sila sa rapid test para sa coronavirus disease.

Hindi kasama ang mga naturang driver sa 980 UV Express units na pinayagan nang makapasada ulit sa Metro Manila at mga karatig-lalawigan simula noong Lunes. 

"Kailangan po makausad ang tao, makapaghanapbuhay, 'yong mabuhay naman namin ang aming pamilya," sabi ng driver na si Rex Bautista.

Sinagot ng lokal na pamahalaan ng Marikina ang rapid test, na para umano sa kaligtasan ng parehong driver at mga pasahero.

"Wala tayong driver na papayagan na mag-drive uli nang hindi sumailalim sa... rapid test. Kung reactive sila, sasailalim sila sa confirmatory testing at kung nag-positive ay bibigyan ng supportive medical treatment," ani Marikina Mayor Marcelino Teodoro.

Handa na ang mga UV Express driver sa muling pagpasada.

Nalagyan na ng makapal na plastik ang mga sasakyan, na maghihiwalay sa driver at mga pasahero.

Mayroon ding alcohol na gagamitin ang pasahero at sasabihan din ang mga ito na 2 lang kada hilera ang maaaring sumakay para masunod ang social distancing.

Tanggap na rin umano ng UV Express drivers na kailangan nilang magsakripisyo kahit kalahati ang kikitain nila.

Para sa kapakanan na rin daw ito ng mga pasaherong nahihirapan sa araw-araw na biyahe.

Iginiit ng mga UV Express driver na tanging pag-asa na lang nila ang makabalik sa paghahanapbuhay dahil iba sa kanila ay hindi nakatanggap ng ayuda mula sa social amelioration program.

-- Ulat ni Adrian Ayalin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.