5 bagong kaso ng COVID-19, naitala sa Bacolod City

Marty Go, ABS-CBN News

Posted at Jun 30 2020 09:39 PM

BACOLOD CITY--Nakapagtala ng limang bagong kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lungsod na ito ngayong Martes.

Sa pinakahuling bulletin na ipinalabas ng Department of Health, apat sa mga mga bagong kaso ng COVID-19 dito ay mga repatriated na Filipino workers, habang ang isa naman ay locally stranded individual. Lahat sila ay naka-quarantine.

Sa kabuuan, umabot na sa 51 ang kaso ng COVID-19 sa lungsod.

Samantala, naka-home quarantine naman sa Barangay Pahanocoy dito ang isang lalaki mula Cebu na may COVID-19.

Ayon sa barangay, walang dapat na ikabahala ang mga residente ng naturang barangay dahil naka-seal-off na ang bahay ng pasyente pati na rin ang bahay ng taong sumundo sa kaniya.

Nagsagawa na rin ng disinfection ang Barangay Pahanocoy sa labas ng bahay ng 29 anyos na isang inter-island vessel crew.

Hunyo 16 nang dumating ang 29 anyos sa Bacolod at nag-home quarantine matapos sumailalim sa swab test.

Noong Linggo lumabas ang resulta na positibo siya sa virus.

Ayon kay Punong Barangay Yolanda Noble, pinahintulutan ng City Health Office ang pag- quarantine ng pasyente dahil asymptomatic naman ito at naka-isolate sa second floor ng kanilang bahay.

Bukod sa bahay ng pasyente, naka-seal-off din ang bahay ng drayber na sumundo sa kaniya sa pantalan. 

Sinabi na ni Bacolod Inter-Agency Task Force Chairman Vice Mayor El Cid Familiaran na hindi lahat ng COVID-10 patient ang dinadala sa quarantine facility.

Puwede rin silang i-home quarantine kung asymptomatic at kung may sariling kuwarto naman ito sa bahay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.