4 Chinese na sinita dahil walang face mask, nahulihan ng ilegal na droga

Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Posted at Jun 30 2020 11:46 PM

MAYNILA--Apat na Chinese ang inaresto sa Gonzalo Puyat Street sa Quiapo, Maynila matapos mahulihan ng mahigit P300,000 halaga ng hinihinalang shabu.

Ayon kay Manila Police District Station 3 Commander Lt. Col. Reynaldo Magdaluyo, agad silang nagsagawa ng operasyon sa lugar matapos sila makatanggap ng sumbong na may kahina-hinalang aktibidad sa lugar dahil sa maraming bilang ng mga dayuhan na nagche-check in sa mga budget hotel.

Natiyempuhan na lumabas sa isang hotel ang apat na Chinese national. Tumambay ang mga ito sa may kalsada at nanigarilyo at wala rin dalang face mask.

Agad silang sinita ng mga pulis ngunit dahil sa kahina-hinalang kilos, kinapkapan ang mga ito at nasamsam ang hinihinalang shabu na aabot sa 50 gramo.

Ayon kay Magdaluyo, may palatandaan sa mga tattoo sa katawan ng mga suspek na miyembro umano ang mga ito ng mas malaking sindikato na nagsasagawa ng illegal drug activities sa mga budget hotel.

Mas pinaigting na rin ang isinasagawang pagbabantay sa lugar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.