33 bagong kaso ng COVID-19, naitala sa Western Visayas

Cherry Palma, ABS-CBN News

Posted at Jun 30 2020 12:01 AM

Umabot sa 33 ang bagong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) na naitala sa Western Visayas nitong Lunes.

Ito ang pinakamataas na dagdag sa bilang ng COVID cases sa isang araw sa rehiyon, ayon sa Department of Health Region 6.

Pumalo na sa 307 ang confirmed cases sa Western Visayas, 170 ang active cases, 126 ang naka-recover habang 11 ang namatay.

Kasama sa 33 ang limang health workers at walo nilang naka-close contact sa bayan ng Alimodian, Iloilo.

Kasunod ng paglobo ng kaso ng COVID-19 sa Alimodian, isinailalim na ng DOH 6 sa Enhanced Community Quarantine ang buong bayan.

“There are five health care workers and one of the health care worker primarily WV 282 is the close contact of the eight other, they will also be place in a quarantine facility," ani Dr. Mary Jane Juanico ng DOH 6.

Ayon pa kay Juanico, oobserbahan ng limang araw ang COVID-19 cases sa Alimodian para malaman kung may local transmission sa bayan. Isasagawa ang evaluation sa Hulyo 3.

"If there will be other cases that will be found along the contact tracing, that is the time we can conclude that there is local transmission," dagdag ni Juanico.

Nagpapatuloy pa ang contact tracing ng health department sa 13 positive cases sa Alimodian.

Samantala, kasalukuyan pa ring naka-lockdown ang isang ospital sa Iloilo City matapos nagpositibo sa COVID-19 ang walong duktor.

Ayon sa ahensya, 144 ang isinailalim na sa RT-PCR test ngayong araw sa contact tracing na isinagawa sa walong physicians.

Nananatiling suspendido ang services sa ospital habang nagpapatuloy ang disinfection sa mga pasilidad.

Sinimulan na rin ng ahensya ang contact tracing sa labas ng ospital.

Nagtutulungan sa pagbabantay sa ospital ang mga kawani ng DOH, Iloilo City Government, Office of Civil Defense at Iloilo City Police Station.