14 mangingisda ng Liberty Cinco patuloy na pinaghahanap

Dennis Datu at Raffy Santos, ABS-CBN News

Posted at Jun 30 2020 08:13 PM

Watch more in iWant or TFC.tv


MABURAO, Occidental Mindoro — Bigo pa rin na matagpuan ang mga mangingisda na sakay sa lumubog na fishing vessel na nabangga ng isang foreign bulk carrier vessel sa karagatan dito.

Hanggang ngayon ay hindi pa rin nawawalan ng pag-asa ang Philippine Coast Guard (PCG) na buhay pa sila at baka napadpad lamang sa malalayong isla.

Muling lumipad ang mga helicopter para suyurin ang karagatan ng Occidental Mindoro. Misyon nila ay hanapin ang 14 na mangingisda na sakay ng F/V Liberty Cinco na lumubog nang makabanggaan ng Hong Kong-flagged bulk carrier na MV Vienna Wood N noong Linggo ng madaling araw.
 
Pinalawak pa ang paghahanap hanggang sa Lubang island.

Wala ring tigil ang paggalugad ng rubber boat sa karagatan malapit sa Cape Calavete sa bayan ng Paluan kahit malakas ang alon.
 
Ikatlong araw na ngayon ng search and rescue operation pero bigo pa rin silang matagpuan.
 
Narito ang mga nawawalang mangingisda:

1. Jose Magnes Alfonso, kapitan
2. Renante Dahon
3. Reynil Magura
4. Miguel Booc III
5. Joeffrey Bantog
6. Jeerom Alaska
7. Michael Flores
8. Jayson Vigonte
9. Adrian Robert Amogod
10. Bartolome Oab, Jr.
11. Herbert Dalabajan
12. Reynald Riparip
13. Ariel Tabang
14. Edwardo Manipol, Jr.

Kasabay nito, umusad na ang imbestigasyon ng PCG. Nakusap na rin ng mga imbestigador ang kapitan ng Vienna Wood.
 
"Wala silang sinabi na right of way position basta yung kanilang voyage plan andodoon siya nasa voyage plan... Inamin niya na may kabanggaan siya pero hindi niya sinasabi na kasalanan niya basta inamin lang niya na mayroon silang kabanggaan, na-collide ganoon," sabi ni Commo Leovigildo Panopio, commander ng PCG-Southern Tagalog. 
 
Malapit lamang din sa lugar ng banggaan si Bong Gilongos, kapitan ng fishing boat na Michael EC-2 pero hindi niya nakita ang mismong salpukan. Masungit umano ang panahon ng mga oras na iyon.
 
"Kahit yung katabi namin na ang layo lang ay 200 meters hindi namin makita sa sobrang lakas ng ulan... Sobrang madilim na madilim. Kahit siguro may ilaw hindi rin makita ang barko," aniya.

Umaga na nang makita ang mga naglutangang banyera ng isda sa dagat.
 
Pinigil na ng Coast Guard na makaalis ang MV Vienna Wood habang isinasagawa ang imbestigasyon.

Ayon sa PCG,tinatayang nasa 200 metro ang lalim ng pinaglubugan ng Liberty Cinco kaya hindi kayang sisirin ng mga divers bukod pa sa napakalakas ng alon sa lugar.


Ayon naman sa pdrrmo ng occidental mindoro, nakafocus na sila ngayon sa search and retrieval operations.

MGA PAMILYA UMAASA

Watch more in iWant or TFC.tv


Umaasa naman ang mga kaanak ng mga nawawalang tripulante na matagpuan silang ligtas.

Hindi na binibitawan ni Lara Joy Flores ang kaniyang cellphone mula nang mabalitaang isa ang nobyo niyang si Tabang sa 14 na nawawala.

Sabado nang huling magkausap ang magkasintahan kung saan binalita ni Tabang na pauwi na sya ng Maynila noong araw ding iyon.

Ang magpinsang sina Jomari Rodriguez at Melvin Raffols, di pa rin makapaniwala sa sinapit ng isa pa nilang pinsang si Alaska.

Hustisya ang sigaw nila para sa nawawalang pinsan.

"Malaking kabapayaan ang vessels na 'yan. Sana panagutin sila talaga," ani Rodriguez.

Nag-deploy na ang PCG ng mga barko at eroplano upang ipagpatuloy ang search and rescue operations para sa mga tripulante ng Liberty Cinco.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.