Outgoing Cebu mayor dinepensahan ang pagtanggal ng gamit sa opisina

ABS-CBN News

Posted at Jun 30 2019 04:00 PM

Dinepensahan ni outgoing Cebu City Mayor Tomas Osmeña ang desisyon niyang tanggalin ang mga gamit at fixtures sa opisina ng mayor sa city hall. 

Ayon kay Osmeña, wala siyang tinirang gamit sa opisina dahil siya ang gumastos para sa pagpapagawa nito.

"Ako ang naggastos sa mayor's office. I had to spend for everything," ani Osmeña sa panayam ng DZMM.

Kung paano dinatnan ni Osmeña ang mayor's office noong 2010, ganoon din ito dadatnan ni incoming Cebu City Mayor Edgar Labella.

Sinabi rin ni Osmeña na noong pinamunuan ni Labella ang city council noong 2010, humingi siya ng pondo para ipaayos ang mayor's office pero hindi ito binigay ng konseho.

"I know sa mga tao it's very unusual for the mayor to strip his office... But on the other hand, it's also very rare na that the city council will not allow the mayor to fix his office," ani Osmeña.

Ayon naman kay Interior and Local Government Undersecretary Epimaco Densing, posibleng ireklamo si Osmeña sa Ombudsman dahil labag sa batas ang ginawa niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.