Mga bagong halal na opisyal sa Cotabato, Maguindanao, nanumpa na

Arianne Apatan, ABS-CBN News

Posted at Jun 30 2019 10:49 PM

Nanumpa na nitong Linggo ang mga bagong halal na opisyal sa lalawigan ng Cotabato at Maguindanao.

Sinimulan ng panubadtuvad ang panunumpa ni Governor Nancy Catamco sa Cotabato.

Ang panubadtuvad ay isang Manobo prayer bilang pasasalamat at paghingi ng gabay para sa panunungkulan nito.

Nagkaroon ng pag-aalay ng mga prutas, manok at sayaw.

Si Catamco ang kauna-unahang Ovu-Manobo na inihalal bilang gobernador ng Cotabato. Siya rin ang ika-25 gobernador ng lalawigan.

Matapos manumpa, pinangunahan naman ni Catambo ang oath-taking ng mga board member ng lalawigan.

Nagpaabot ng pagsuporta at ng kanilang kahilingan ang iba't ibang sektor, kabilang na ang indigenous people.

Ayon kay Catamco, pagtutuunan niya ng pansin ang kalusugan, edukasyon, pabahay, ekonomiya, imprastruktura at iba pa sa kaniyang panunungkulan.

Hangad rin niya na maging operational na ang airport sa bayan ng Mlang.

Samantala, pinangunahan naman ni outgoing governor Esmael Toto Mangudadatu ang panunumpa ng mga bagong opisyal sa lalawigan ng Maguindanao.

Papalit sa kaniya bilang gobernador si Bai Mariam Mangudadatu, ang asawa ni Sultan Kudarat Governor Teng Mangudadatu.

Si outgoing governor Mangudadatu naman ay nahalal bilang kinatawan ng ikalawang distrito ng lalawigan.

Aniya, pagtutuunan niya ng pansin bilang kongresista ang pagpapataas sa diskwentong ibinibigay sa mga senior citizen, at ang paghahati sa lalawigan ng Maguindanao.

Hindi naman nakadalo si Governor-elect Mangudadatu sa panunumpa. Sa halip, ang kaniyang amang si Datu Ali Sangki ang kaniyang naging kinatawan.

Nauna nang nanumpa si Governor-elect Mangudadatu sa Malacañang kasama ang iba pang mga baging halal na opisyal.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.