4 patay, 8 malubhang nasugatan sa aksidente sa Butuan

Richmond Hinayon, ABS-CBN News

Posted at Jun 30 2019 05:38 PM

BUTUAN CITY - Apat ang nasawi habang walong iba pa ang sugatan sa salpukan ng dalawang van Sabado ng gabi sa Baan Kilometer 3 corner Amamaylan, Butuan City.

Dead on arrival sa ospital ang sakay ng Mitsubishi Adventure na sina Leadel Perez, Apple Grace Casinillo, Johnfel Antong at Tessie Cahapay.

Malubhang nasugatan naman ang driver ng sasakyan na si Father Roel Griar at lima pa nitong kasamahan.

Sugatan naman at nasa ospital rin ang driver ng Starex na si Junel Moreno at kasama nito.

Ayon sa imbestigasyon ng Traffic Section sa Butuan City Police Station 1, paliko na sana ang Adventure nang biglang binangga ang likuran nito at bumangga pa sa nakaparadang sasakyan sa gilid ng kalsada.

Sa lakas ng pagkabangga, tumilapon ang mga sakay ng Adventure.

Posibleng nasa impluwensiya ng alak ang nagmaneho ng Starex.

Mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in multiple serious physical injuries at multiple homicide ang driver ng Starex na si Moreno.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.