Sekyu na nangikil sa magkaibigang nasa loob ng kotse sa Taguig, timbog

ABS-CBN News

Posted at Jun 30 2018 07:28 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Timbog ang isang security guard ng isang mall sa Taguig City matapos umanong mangikil sa magkaibigang "naghihintay" lang sa nakaparada nilang sasakyan sa isang parking lot.

Sa basement parking ng naturang mall din inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) Anti Organized and Transnational Crime Division ang security officer na si Eugene Serdan.

Noong isang linggo kasi, kinikilan umano ng guwardya ang magkaibigan matapos silang pagbintangan na nagtatalik sa loob ng kotse sa parking lot.

"Nag-iintay kami ng opening ng mall, kinatok kami at hiningi 'yung ID. Nag-threaten siya, ipaparinig daw niyang case ay scandal," kuwento ni alyas "Sophia."

Nasa P5,000 ang hiningi umano ng sekyu pero halos P2,000 lang ang kanilang pera.

Dahil kinapos, nakiusap sila na sa suweldo na lang ang kulang para makumpleto ang P5,000.

Doon na sila humingi ng tulong sa mga awtoridad na siya namang nagkasa ng entrapment operation kasabay ng payday nitong Biyernes.

Matapos iabot ang marked money, sumalakay na ang mga taga-NBI, pinadapa ang guard at saka kinuha ang kaniyang service firearm.

Nagpatupad pa ng security lockdown sa parking lot ang mall kaya naging tensiyonado ang paglabas ng mga sasakyan.

Depensa ng guwardiya, ang dalawa mismo ang nanuhol para makaiwas sila sa kahihiyan.

Kakasuhan ng robbery with violence at illegal possession of firearms ang suspek.

--Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.