Reklamo ng Pinay sa Saudi: Ginahasa na, ipinakulong pa

ABS-CBN News

Posted at Jun 30 2018 09:20 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Halos dalawang buwan nakulong ang isang overseas Filipino worker (OFW) sa Saudi Arabia matapos maglaslas para makatakas sa amo at sa manugang nitong nanggahasa umano sa kaniya.

Bakas pa ang mga marka ng hiwa sa pulso ng household worker na si alyas "Jinky" nang maglaslas siya para makaalis sa poder ng amo.

Ayon sa biktima, paulit-ulit umano siyang ginahasa ng manugang ng kaniyang amo.

"Walang katao-tao, kaming dalawa lang. Pinuntahan ako sa banyo [at] niyakap niya ako. Doon niya ako sinimulang pagsamantalahan," kuwento ni Jinky.

Dagdag ni Jinky, dalawang beses pa umano naulit ang pananamantala sa kaniya.

Sinubukan niyang magsumbong sa kaniyang amo ngunit hindi umano siya pinakinggan nito. 

Aniya, nagpaalam na rin siyang umalis pero hindi raw siya pinayagan.

Dahil sa kagustuhang makaalis, napagdesisyunan niyang maglaslas ng pulso.

"Ang tanging paraan lang para makaalis sa bahay na iyon ay maglaslas ako," ani Jinky. "Litaw po 'yong buto. Limang tahi po iyan, [kahit] sa dami po ng dugo [ay] ako pa rin ang pinaglinis ng sahig."

Itinuturing na krimen sa Saudi Arabia ang tangkang pagpapakamatay kaya nakulong si Jinky.

"Parang hayop na ayaw akong gamutin ng kahit sino, kaya gustong gusto ko nang umuwi. Diniretso muna ako sa munisipyo, tinaliaan 'yong sugat ko tapos nag-imbestiga pa sila. Tsaka lang ako dinala sa ospital para tahiin 'yong sugat ko," saad niya. 

Nasa pangangalaga na ng konsulado ng Pilipinas sa Jeddah ang biktima.

"Ang usapan namin sa Dhahban prison ay sa amin siya i-release instead na sa agency," ani Philippine Consul General Edgar Badajos.

Inaasikaso na ang mga papeles ni Jinky para muli na niyang makapiling ang asawa at apat na anak.

"Ngayon ay nakausap na rin namin ang kaniyang agency para asikasuhin ang kaniyang plane ticket, final exit at tsaka ang collectible pa niya sa kaniyang amo na dapat bayaran sa kaniya," dagdag ni Badajos.

Tinututukan na rin ng embahada ng Pilipinas sa Saudi Arabia ang kaso ni Jinky.

-- Ulat ni Charles Tabbu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.